MGA TAONG DAPAT PASALAMATAN NGAYONG KAPASKUHAN

MGA TAONG DAPAT PASALAMATAN NGAYONG KAPASKUHAN

December 29, 2022 @ 10:00 AM 1 month ago


GENERALLY peaceful ang obserbasyon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo noong December 25, sa buong bansa. Walang naitalang anumang malaking kaguluhan ang buong Philippine National Police (PNP) bagamat marami ang lasing dahil sa kaliwa’t kanang kasiyahan at mga pagtitipon. Masayang-masaya talaga ang paligid, parang kailan lang ay limitado ang pagdiriwang natin ng Kapaskuhan sanhi ng coronavirus disease 2019 pandemic. 

Habang tayo ay nagsasaya kasama ang ating pamilya, mga kaibigan, mga kapitbahay at mga kakilala, may mga kababayan tayong ginampanan ng buong husay ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay nais na pangunahan ang pagpapasalamat sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at PNP na sineguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan at komunidad, laung-lalo na kina AFP chief of staff Gen. Vicente Bacarro at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr.

Naka-alerto din ang lahat ng pampubliko at pribadong mga ospital para sa anumang emergencies na maaaring mangyari. Salamat kay Department of Health officer-in-charge Dr. Ma. Rosario Vergeire, mga doktor, mga narses, at iba pang mga kawani ng pagamutan na naka-duty.

Gayundin sa mga kawani ng Bureau of Fire Protection sa pamumuno ni fire director Louie Puracan at mga fire marshalls sa buong bansa. Isama na rin natin ang mga fire volunteers na umaalalay sa ating mga bumbero.

Matiyaga ding nagbantay ang mga jail officers at prison officers natin sa mga kulungan na nasa pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology at ng Bureau of Corrections.

Saludo din tayo sa mga Barangay officials na ginampanan ang kanilang tungkulin sa pagseseguro ng katahimikan at kapayapaan sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.

Salamat din sa mga security guards, mga service crew ng mga restaurants at mga fast food chain, mga tauhan ng iba’t ibang sinehan, mga nasa amusement park, mga driver ng jeepneys at transportation network service vehicle (TNVS), mga bus, at iba pang moda ng transportasyon, at mga nagtitinda sa palengke.

Sa kanilang pagsasakripisyo habang tayo ay masayang nagdiriwang ay may mga taong ngayon o sa January 2023 pa mararanasan ang mag-Pasko at makapagpahinga. Kaya kapag nakita natin sila o nasalubong o kaya naman ay napag-serbisyuhan nila tayo, suklian natin ito ng ngiting may pagpapahalaga. Doon man lamang ay makabawi tayo sa kanilang pagtitiis para sa ating kapakanan. #