Mga tauhan ng PCG inaasahan tataas sa 30K

Mga tauhan ng PCG inaasahan tataas sa 30K

February 26, 2023 @ 11:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaasahan ng Philippine Coast Guard (PCG) na tataas ang bilang ng kanilang tauhan sa 30,000 bago matapos ang taon.

Pinuri ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pagpapalaki ng mga tauhan ng ahensya, na aniya ay makabuluhan dahil pinahusay nito ang kakayahan at umakma sa mga hakbangin na isinagawa ng mga nakaraang administrasyon.

Dagdag niya, sa unang taon ng pamumuno ni Pangulong Marcos ay nadagdagan sila ng 4,000 tauhan kaya mayroon na sila ngayong 26,000.

Ibinunyag din ni Tarriela ang pangangailangan ng Philippine Coast Guard sa Modernization Law, na magbibigay-daan sa ahensya na maiprograma ang kanilang asset acquisition, tulad ng offshore patrol vessels, karagdagang aircraft, at Maritime Domain Awareness sa mga coastal areas sa buong bansa.

Kailangan din aniya ng PCG ang coast guard response base at berthing spaces dahil ang mga sasakyang pandagat ng ahensya ay nakadepende sa berthing area ng Philippine Ports Authority.

Samantala, sinabi aniya nito sa mga mangingisda na nag-ooperate sa pinagtatalunang karagatan na iulat ang anumang hindi kanais-nais na insidente sa ahensya na tinitiyak na laging handa ang PCG na tumugon at suportahan ang kanilang aktibidad sa pangingisda.

Diin ni Tarriela, sa kabila ng panganib sa West Philippine Sea, ang PCG ay patuloy na isasagawa ang kanilang mandato at susunod sa direktiba ng Pangulo. Jocelyn Tabangcura-Domenden