Mga tiwaling opisyal sangkot sa agri smuggling- DA exec

Mga tiwaling opisyal sangkot sa agri smuggling- DA exec

March 29, 2022 @ 10:24 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Isiniwalat ng isang agriculture official sa Senate inquiry nitong Lunes na sangkot ang ilang tiwaling opisyal ng Department of Agriculture at Bureau of Customs sa pagpuslit ng imported na mga pananim sa bansa.

Kinumpirma ni Agriculture Assistant Secretary Federico Laciste na sinabi niya sa mga magsasaka ng Benguet noong Marso 15 na sangkot ang “high-profile individuals” sa pagpuslit ng agricultural goods.

“Yes, Mr. President, na-mention ko po ‘yun. Meron po kasi nung mga hinuhuli ko, sir, nu’ng mga cases nakaraan nu’ng 2021. May mga tumatawag po kasi sa akin noon, mga matataas na tao pero ang ginawa ko po dun, ‘di ko na po inaksyunan. Instead tinuloy pa rin namin yung paghuli at pagkaso,” pahayag ni Laciste.

“On record naman na tinuloy namin lahat. Lahat inabot namin at finile natin ng kaso,” dagdag niya.

Kinumpirma din ni Laciste ang mga pahayag ni Benguet Province Board Member Robert Namoro sa Senate Committee of the Whole na may korapsyon “like in the Bureau of Customs and the DA.”

“He also admitted that big-time personalities, who are involved in the smuggling, call him every now and then for favors. He especially mentioned politicians. I just want to clarify this issue if this is really the statement of Laciste during the meeting,” ani Namoro.

Pinilit naman ni Senate President Vicente Sotto III si Laciste na pangalanan ang mga naturang personalidad subalit tumanggi siya na isiwalat ang mga ito sa public hearing. Humiling siya ng isang executive session bsubalit hindi ito pinagbigyan.

Ipinasulat naman ni Sotto sa kanya ang mga pangalan upang isumite sa komite.

Inamin ni Laciste na ilang indibidwal na sangkot sa pagpupuslit ay mga dating opisyal.

“Ganun po ang problem po natin not only ditto, sa universe, Sir natin, marami pong, malalim na po yung ugat ng problem,” sabi Laciste.

“Just like sa drugs, we’re going after mga humahawak ng drugs, but we’re not going after doon sa humahawak ng drug money. Ganun din po sir ang application namin sa smuggling,” giit pa niya.

Iniimbestigahan ng Senate Committee of the Whole ang pagpuslit sa mga produktong agrikultural sa Philippine market. RNT/SA