Mga tserman na dedma sa ‘Mission Manila Bay’ sasabunin ng DILG

Mga tserman na dedma sa ‘Mission Manila Bay’ sasabunin ng DILG

April 12, 2019 @ 5:16 PM 3 years ago



Manila, Philippines – Posibleng maglabas ng ‘show orders’ ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga barangay chairman na hindi umaksyon sa mga kautusan na may kinalaman sa “Mission Manila Bay” ng gobyerno hinggil sa paglilinis ng mga ilog, estero at kanal sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, pinirmahan at ipinadala na niya ang kasulatan kay National Barangay Operations Office (NBOO) Director Karl Rimando ang ‘show orders’ laban sa mga barangay officials.

“Dito malalaman nila na hindi nagbibiro ang DILG, lalong-lalo na sa kampanya natin against illegal dumping of garbage under Republic Act 9003 or the ecological solid waste, eto sumulat na ako kay (Director) Rimando at pinirmahan ko na tungkol dyan na ilabas na ang show cause na yan agad, I hope next week ilabas na at kasama ang mga names ng barangay,” babala ni Diño.

Aniya, 5,700 barangay ang sakop ng direktiba na magsagawa ng ‘clean-up drive’ sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation program. Mula sa numerong ito, 1,000 barangay ang hindi sumusunod o ipinagsasawalang-bahala ang kautusan.

 “Yung 1,000 barangays, ito ‘yung hindi tumalima sa order ni Secretary (Eduardo) Año na magkaroon ng clean-up drive, kailangan kasi ‘yan gagawa sila ng report, kung maaari may picture (taking) pa at ‘yung ginawa nilang clean-up every weekend ‘yan,” giit ni Diño.

Sakop ng “Mission Manila Bay” ang region 3, 4A, at National Capital Region, na binubuo  ng anim na probinsiya gaya  ng Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite. Sakop din nito ang 179 na siyudad at munisipalidad.

Tinukoy pa ng opisyal ng probisyon sa ilalim ng RA 9003 kung saan ang mga lalabag ay maaaring makulong mula anim na buwan hanggang anim na taon.

“Ang tanong may nag-implement na ba na barangay, may nag-implement na ba na siyudad, kaya dumumi nang dumumi itong Manila Bay ay dahil sa kapabayaan ng kapitan at mayor sa totoo lang, ‘yan po ang naging problema d’yan,” ayon pa kay Diño. Sinabi pa ng naturang opisyal na hindi lang Boracay at Manila Bay ang sasailalim sa rehabilitasyon dahil aniya, iiimplementa ang programa sa buong bansa. Santi Celario