MGA TUGON SA ‘INFLATION’

MGA TUGON SA ‘INFLATION’

November 18, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


PAANO nga ba pwedeng kontrolin ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at mga serbisyo?
Hindi ko tatalakayin ang pagtaas ng interest rates at control ng foreign exchange. Medyo komplikado kasi.

Pero ayon sa mga na-research ko, meron mga praktikal na pwedeng gawin ang gobyerno para mabawasan ang masamang epekto ng “inflation” sa mga ordinaryong tao.

Una, dapat daw ay maging produktibo ang ekonomiya natin. Ibig sabihin mas maganda sana kung pasisiglahin muli ang agrikultura at bubuksan nang husto ang mga serbisyo at iba pang sector ng ekonomiya. Mas maraming nagtatrabaho, mas marami ang kumikita at kikitain, mas magiging malago ang komersyo at baka makahabol ang mga dagdag na ikot ng pera at kita o sweldo, para mapigilan ang “inflation”.

Pangalawa, dapat yatang bawasan ang paggastos ng gobyerno lalo na kung ang pagkakagastusan ay hindi naman para sa ikauunlad ng bayan at baka mawaldas lang sa korapsyon. Magandang halimbawa nito ang hindi pag-approve ng mga intelligence at confidential funds ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

‘Pag binawasan natin ang mga ito, mababawasan ang mga gastusin na hindi tayo sigurado kung paano ginagastos at malamang babagal ang inflation o at least, ang mga masamang epekto nito.

Pangatlo, ito ay meydo kontrobersyal. Baka naman dapat dagdagan ang buwis ng mga mayayaman o maglagay na tayo ng “wealth tax”. Naalala ko na isa ito sa mga panukala ni Ka Leody de Guzman noong panahon ng kampanya.

Ang mga buwis kasi ay kita ng gobyerno, para mapondohan ang mga programa at serbisyo para sa mga mamamayan. At dahil mga mayayaman naman ang sisingilin sa buwis na ito, hindi ito dagdag na pabigat sa mga “middle-income” at mga mahihirap o “low-income”.

Inamin na ng maraming eksperto kahit na nga iyong mga taga-gobyerno, na mukhang derecho hanggang Disyembre 2022 ay magpapatuloy ang pagtaas ng “inflation”.

Sana’y matimplahan nang maayos ng gobyerno natin ang mga tugon para hindi naman lalong maging hikahos ang Pasko ng mga Pilipino.