Mga VCM bantay-sarado ng Bulacan PNP

Mga VCM bantay-sarado ng Bulacan PNP

May 2, 2022 @ 1:34 PM 2 months ago


Bulacan-Mahigpit na binabantayan ng pulisya ang patuloy na pagdagsa ng Vote Counting Machine (VCM) sa bawat bayan simula nitong Linggo sa lalawigang ito.

Ayon sa impormasyon, pagdating pa lamang ng VCM lulan ng COMELEC-PNP deputized vehicle sa isang bayan ay 24-oras na itong babantayan ng Bulacan police.

Nakatakdang isalang naman bandang alas-2 hanggang alas-3 ng hapon sa Martes, sa simultaneous final testing and sealing ang lahat ng VCM sa lalawigang ito.

Napag-alamang isa sa napabalitang unang nilapagan ng VCM ay ang bayan ng Obando bandang alas-5 ng madaling araw nitong Linggo, na sinundan ng 109 VCM sa Norzagaray bandang alas-7:40 ng umaga nitong Lunes.

Sinasabing inaasahan na rin ang pagdagsa ngayon ng VCM sa bawat bayan para sa simultaneous final testing and sealing.

Base sa report, ang VCM na mula sa COMELEC kabilang ang representative ng treasury ay tatanggapin ng mga principal at mga teacher katuwang ang pulis.

Sa kasalukuyan ay ipinamamahagi na ang VCM sa bawat polling precinct bilang paghahanda sa darating na halalan ngayong Mayo 9 sa lalawigan. Dick Mirasol III