MIAA employees ‘di lusot sa fake exit pass probe

MIAA employees ‘di lusot sa fake exit pass probe

December 1, 2022 @ 12:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Huwebes na hindi nito itinatanggi ang posibleng pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa pag-iisyu ng mga pekeng exit pass sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang mapadali ang pag-alis ng mga taong biktima ng human trafficking.

Ito ang sinabi ni MIAA senior assistant general manager Bryan Co nang hingan ng komento hinggil sa pahayag ni Senator Raffy Tulfo na dapat tanungin ang MIAA dahil ang ID pass na ibinigay sa isang biktima ng human trafficking ay kanilang inisyu.

Sinabi ng mambabatas na may kasabwat sindikato sa loob ng ahensya.

“While we’re not ruling that out, of course, we’re undergoing all of the investigation and intelligence buildup to ma-resolve natin itong mga problema na ating darating,” ani Co sa interbyu sa Unang Balita.

Nauna nang sinabi ng MIAA na nagkasa na sila ng imbestigasyon ukol sa bagong istilo ng human trafficking sa pamamagitan ng tao sa airport na sasamahan sila at magpapabilis ng kanilang pag-alis gamit ang mga pekeng exit stamp para i-bypass ang Bureau of Immigration.

Sinabi ni Co na mayroon na silang mga persons of interest na kanilang tinitingnan upang matukoy kung paano gumagana ang naturang scheme.

Bilang bahagi ng solusyon ng MIAA, sinabi ni Co na maglalabas sila ng mga bagong ID passes sa kanilang mga empleyado sa unang bahagi ng susunod na taon.

Ililipat din aniya ng MIAA ang screening lane ng kanilang mga empleyado mula sa NAIA Terminal 3 patungo sa ibang lokasyon kung saan sila ay mas masusuri. RNT