MIAA handa na sa dagsa ng biyahero sa holiday season

MIAA handa na sa dagsa ng biyahero sa holiday season

October 22, 2022 @ 9:44 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa publiko nitong Biyernes, Oktubre 21 na handa sila sa dagsa ng mga pasaherong ba-biyahe sa papalapit na holiday season.

Sa isang statement, sinabi nito na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Transportation sa paghahanda nila sa taunang OPLAN Biyaheng Ayos.

Kabilang sa mga inisyatibong ilalatag ng MIAA ay ang Oplan help desk na gagabay sa mga pasahero at pagsagot sa kanilang mga tanong.

Ang mga tauhan naman mula sa Civil Aeronautics Board, ang sisigurong matutugunan ang mga isyu tungkol sa karapatan ng mga pasahero.

Hinihikayat din ng MIAA ang mga airline operators na magtalaga ng mga taong tututok sa airline-related concerns at makikipagtulungan sa duty representatives na nakapwesto sa Oplan desk.

Sa usapin ng seguridad, siniguro din ng ahensya na dadagdagan nila ang mga security personnel upang maiwasan ang krimen.

Nanawagan naman si General Manager Cesar Chiong sa mga pasahero na patuloy na sumunod sa umiiral na health protocols.

Samantala, ibinahagi na umabot na sa 77% ng pre-pandemic levels o tatlong milyong pasahero ang naging passenger traffic sa Ninoy Aquino International Airport. RNT/JGC