Mid-year bonus ng Manila City hall employees, makukuha na

Mid-year bonus ng Manila City hall employees, makukuha na

May 17, 2022 @ 7:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magandang balita para sa mga kawani ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila dahil simula ngayong araw (Mayo 16) ay matatanggap na nila ang kanilang mid-year bonus.

Ito ang inanunsiyo ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang lingguhang “flag raising ceremony” sa Kartilya ng Katipunan kung saan inilahad niya na isang panuntunan na ito na kanyang isinasagawa sa loob ng tatlong taon.

Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang sahod ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na ipinamamahagi sa ikalawang bahagi ng kada taon.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga kawani na maging masinop sa kanilang natatanggap na salapi dahil walang sinuman ang makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa mundo.

Kaugnay nito, isa pang magandang balita ang inihatid ng alkalde nang ipahayag ang tuloy-tuloy na konstruksiyon ng 20-palapag na tig-42 metro kuwadrado tirahan na may dalawang silid-tulugan sa Pedro Residence, San Lazaro Residence at San Sebastian Residence.

Aniya, ang 50 porsiyento ng mga Unit sa lahat ng mga itinatayong gusali ay ilalaan sa mga kawani ng lokal na pamahalaan habang ang 50-porsiyento ay para naman sa publiko, partikular sa mga matatagal ng nangungupahan ng kanilang tirahan.

“Kayong mga empleyado ng pamahalaang lungsod na buong buhay niyo na ay nangungupahan lamang at walang tigil ng kababayad ng upa buwan-buwan, sa hirap ng buhay, gusto ko, kahit paano ay magkaroon kayo ng kapanatagan and I hope this will continue, these was design for everyone, maitaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” ani Yorme.

Aminado naman si Domagoso na mahirap ang pagdaraanang proseso ng mga aplikante kaya’t pinayuhan niya ang mga kawani na ngayon pa lang ay magsumite na ng kanilang mga dokumento kasabay ng pagtiyak na dadaan sa wasto at patas na pagsusuri ang mga papeles ng bawat benipisyaryo. JAY Reyes