Middleman sa agri producers, kinalos na ni PBBM

Middleman sa agri producers, kinalos na ni PBBM

February 2, 2023 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa layon na itaas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na direktang iugnay ang food producers sa mga consumers at institutional buyers upang tuluyan nang maitsapwera ang tumatayong middle man o tagapamagítan.

Alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Marcos, pinalakas ng DA ang market linkage initiative nito para tulungan ang farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng inisyatiba, pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ng departamento, tinatayang umabot na sa P2.589 milyong halaga ng sibuyas ang naibenta ng FCAs sa institutional buyers mula Setyembre 2022 hanggang Enero 24, 2023, kinabibilangan ng 3,478 kilograms ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P755,455 at 5,106.38 kilograms ng puting sibuyas na nagkakahalaga naman ng P1.833 milyon.

Tinutulungan naman ng DA-awarded Kadiwa trucks at vans ang FCAs sa kanilang paghahakot at pagde-deliver sa mga pamilihan at big buyers.

“Malaking tulong actually ang logistics. Nakatulong ang Kadiwa sa logistics,” ayon kay Elvin Jerome Laceda ng RiceUp and Sakahon farmers’ enterprises sabay sabing P1.325 milyong halaga ng four-wheel truck ang in-award ng DA sa RiceUp Farmers, Inc. sa Pampanga noong 2022.

Nakatanggap din ang RiceUp ng P1-million na financial grant sa pamamagitan ng “Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita” program ng DA, nagagawa nitong pangasiwaan ang pangangalakal ng farm produce na direkta mula sa mga magsasaka tungo sa merkado.

“Farmers are also provided with assistance and trainings in farm clustering and consolidation, where market-driven production and focus on supplying institutional buyers are applied to help farmers earn better with higher volume,” ayon sa ulat.

Sa pamamagitan ng Sakahon, na isang agritech solutions company, Layon nina Laceda at ng kanyang team na lumikha ng sistema kung saan alam ng mga magsasaka kung ano ang kailangan ng merkado bago pa sila magtanim at mag-ani.

Idagdag pa ang pagsisilbi sa big buyers, regular na dinadala ng RiceUp at Sakahon farmer partners kanilang produce o ani sa DA Kadiwa outlet sa Quezon City.

Sa katunayan, dala ng Laceda at Bayambang farmers ang 1.5 tonelada ng sibuyas na ang halaga ay P240/kilogram para sa big sizes at P140/kilogram para sa small sizes sa DA Kadiwa at Senado noong nakaraang linggo ng Enero 2023.

“Two years na kasi kaming tumutulong sa mga farmer ng Bayambang kahit wala pa ‘tong crisis na ‘to. Talagang ang mission namin is to create a system where the produce is bought with justice. Farmers get the value of their produce, at the same time, it’s affordable sa mga consumer,” ayon kay Laceda.

Sinabi pa nito na binili nila ang sibuyas sa P200/kilogram, itinuturing na highest farm gate price sa lugar, upang sa gayon, ang mga magsasaka ay maaaring kumita ng karagdagang P90,000 para sa bawat 1,000 kilograms.

Sa nakalipas, ang sibuyas ay nabibili sa P110/kilo.

Noong nakaraang taon, inanunsyo ni Pangulong Marcos na determinado siya na gawing national program ang Kadiwa sa pakikipagtulungan sa local government units (LGUs), para bigyan ang publiko ng access sa mas mura pero dekalidad na mga produkto at makatulong din sa mga magsasaka at mangingisda.

“We appreciate what the DA is trying to do,” ayon kay Laceda.

Idinagdag pa nito na “market-driven production and farmers’ access to capital and available storage facilities, which are among the priorities of the DA under the leadership of the President, will also be a big boost to the agriculture sector.” Kris Jose