Middleman sa Lapid case, namatay sa ‘plastic bag suffocation’ – Fortun

Middleman sa Lapid case, namatay sa ‘plastic bag suffocation’ – Fortun

October 29, 2022 @ 1:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inilabas na ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun nitong Sabado, Oktubre 29 ang resulta ng kanyang independent autopsy na isinagawa sa bangkay ni Jun Villamor, ang itinuturong middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Fortun, lumitaw na si Villamor ay nagkaroon ng “history of asphyxia by plastic bag suffocation.”

Sa isang virtual press conference, nagtamo ng pulmonary congestion, edema at hemorrhages ang nasawing middleman.

Dagdag pa rito, inihayag din ni Fortun sa autopsy findings na nagpakita ito ng:

“No gross morphologic cause of death,” na “consistent with the reported asphyxia.”

Mayroon din umano siyang natanggap na impormasyon na nagpahayag ng takot si Villamor bago ito nasawi at namatay sa paglalagay ng plastic bag sa ulo nito.

“Based on available information regarding the circumstances surrounding death, the manner is homicide,” aniya.

Sa kaparehong araw din ay ibinahagi ng Department of Justice sa isang Twitter post ang screenshot ng autopsy report na ginawa ni Fortun.

Matatandaan na noong Oktubre 18 ay ikinanta ni self-confessed gunman na si Joel Escorial ang nasawing “middleman” bilang bahagi ng pagpatay kay Lapid, at sa kaparehong araw ay naiulat na nasawi ito sa loob mismo ng New Bilibid Prison. RNT/JGC