‘Middleman’ sa pagpaslang kay Percy Lapid namatay sa Bilibid – DOJ chief

‘Middleman’ sa pagpaslang kay Percy Lapid namatay sa Bilibid – DOJ chief

October 20, 2022 @ 5:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Namatay na ang itinuturong “middleman” na umano’y nangasiwa sa pagpatay kay Percival Mabasa, na mas kilala bilang “Percy Lapid”, sa national penitentiary, ayon sa Department of Justice nitong Huwebes.

Namatay ang natukoy na suspek sa loob ng National Bilibid Prison nitong Martes ng hapon, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

 Kasalukuyang nagsasagawa ng autopsy sa preso, ayon kay Remulla.

Si Joel Escorial, na umaming bumaril kay Mabasa, ay sumuko sa mga awtoridad at ipinrisenta sa media nitong Martes ng umaga.

Sinabi ni Escorial sa mga mamahayag na siya at ang tatlong kasama ang sangkot sa ambush alinsunod sa utos ng isang indibidwal mula sa Bilibid, at pinaghatian ang P550,000 na bayad sa pagsasagawa nila ng krimen.

Hindi naman inihayag ni Escorial, na pinangalanan ang tatlong kasamahan na pinaghahanap pa, ang motibo ni pinangalanan ang mastermind sa pagpatay.

Patay sa pamamaril si Mabasa sa Las Piñas suburb nitong Oktubre 3 habang nagmamaneho patungo sa kanyang studio. Inilahad ng mga pulis na malaki ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ang pagpatay sa biktima.

Siya ang ikalawang mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.

Si Mabasa ay kilalang kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, maging ng mga polisiya at tauhan ni Marcos.

Isa ang Pilipinas sa mga pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayga, kung saan karamihan sa mga killer ay hindi naparurusahan. RNT/SA