‘Midnight deal’ sa bentahan ng Malampaya shares sa Udenna, kinuwestiyon ni Risa

‘Midnight deal’ sa bentahan ng Malampaya shares sa Udenna, kinuwestiyon ni Risa

December 9, 2021 @ 1:55 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Kinwestyon ni Senador Risa Hontiveros ang itinuturing na “midnight deal” ng administrasyon sa pagbebenta ng Malamapaya shares sa Udenna Corporation ni Dennis Uy na pawang kaalyado ng administrasyon.

Sa virtual press conference, sinabi ni Hontiveros na tila mabilisan ang pagbebenta ng administrasyon sa mahahalagang ari-arian ng pamahalaan particular ang mga energy resources at ilang public services sa “mystery shoopers” bago magtapos ang 2022.

 Kinuwestiyon ni Hontiveros ng Department of Energy kung bakit pinayagan ng ahensiya na mabili ng Udenna ang majority shares ng Malampaya matapos hindi iginiit ng Philippine National Oil Company ang “right of first refusal” nito.

 “[Energy Secretary Alfonso] Cusi, ito lang naman po: Ibinebenta na ba natin ang Pilipinas sa Tsina? Por kilo na ba ang bentahan ng ating mga strategic assets? Mula sa rollout ng Dito telecoms, tapos ang [Commission on Elections] deal, at ngayon naman, dito mismo, sa Malampaya at sa Recto Bank kung saan nabigyan din ng DOE ang Udenna ng service contracts,” ayon kay Hontiveros.

“Ang gusto natin, syempre, masang Pilipino ang makikinabang sa kita ng mga resources na iyan. Pero may midnight sale yata ng likas yaman at iba pang serbisyo bago mag 2022, na hindi natin alam. Sino kaya si mystery shopper?” tanong niya.

Dahil dito, hiniling ni Hontiveros sa kasamahan na imbestigahan ang pagbili ng Udenna sa sapi ng Malampaya project sa lalong madaling panahon.

 “Naninindigan ako: Huwag natin payagan ang sinuman na ibenta ang Pilipinas at ang yaman nito, sa China man o sa iba pang dayuhan,” aniya.

Sinabi ni Hontiveros na may pattern ng pagpasok ng Udenna sa pamahalaa mula sa rollout ng Dito Communications sa logistic contract sa Comelec, at ngayon sa Malampaya project.

“[There’s] entry into our critical industries, or critical sectors of our economy, with the shadow of a certain foreign country in the background, lalo na ito ‘yung bansa na talagang tinatapatan tayo sa sarili nating teritoryo sa (specifically the country that asserts authority over our territories in the) West Philippine Sea,” aniya.

“Parang pinapayagan ang Udenna na mag-may-ari nalang ng lahat na tina-target nilang pagmay-ariin. At tama, dahil ba ito sa special friendship ni Mr. Dennis Uy kay Presidente?” tanong niya.

Noong Nobyembre, inihain ni Hontiveros ang resolusyon na naglalayong paimbestigahan ang awtoridad ng Udenna Corporation sa pagkontrol ng estratehikong fossil energy assets ng bansa West Philippine Sea.

Kinuwestiyon sa Senate Resolution No. 950 ang “propriety” ng Udenna sa pagkontrola ng Malampaya project at gas pipeline nito kabilang ang fossil energy resources sa Recto Bank na ikinokonsiderang may malaking epekto sa pambansang seguridad at pangekonomiyang interes.

 “By allowing Udenna to control both the Malampaya Project and its gas pipeline, as well as the fossil energy resources in the Recto Bank, the Department of Energy (DOE) and the Philippine National Oil Company (PNOC) not only deprived the Philippine government of a substantial source of revenue, but also allowed private – and possibly foreign – interests an undue advantage over the nation through the possession of its vital strategic assets,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes