MIG-29 bagsak sa isang bala lang – astronaut

MIG-29 bagsak sa isang bala lang – astronaut

March 18, 2022 @ 5:20 PM 4 months ago


WASHINGTON – Sinabi ng isang bilyonaryong astronaut na may-ari at gumagamit ng MIG-29 na sa isang bala lang, bagsak na ito.

Ayon kay Jared Isaacman, masyado nang luma ang MIG-29 dahil gawa pa ito sa panahon ng Soviet Union at walang kalaban-laban sa mga makabagong eroplanong pandigma ng Russia.

Paliwanag ni Isaacman, may mga advanced sensors at malayuang armas ang mga warplane ng Russia na hindi kayang sagupain ng mga 30-40 anyos nang MIG-29.

Dagdag ni Isaacman, walang silbi umano ang nasabing uri ng eroplano at hinihintay na lang ng mga pwersang Ruso na pabagsakin ang mga ito.

Bilang may-ari ng MIG-29, ginagamit na lang umano nito para sa pagsasanay ng mga Amerikanong piloto.

Paniniwala naman ng iba, ang kalumaan at madaling pagpapabagsak sa MIG-29 marahil ang malaking dahilan kung bakit ayaw mismo ng Pentagon na maipadala sa Ukraine ito.

Lalong umayaw ang US dahil gusto ng Poland na dalhin muna ang mga nasabing eroplano sa base militar ng US at North Atlantic Treaty Organization sa Germany sa takot na pagmulan ito ng mas malawak na digmaan.

Nauna rito at hanggang sa mga araw na ito, nananawagan si Ukraine President Volodymyr Zelensky ng pagpapairal ng no-fly-zone sa kanyang bansa upang matigil na ang pagpasok at pambobomba ng Russian warplanes.

Ngunit hindi ito pinagbibigyan ng US at NATO sa dahilang pagmumulan ito ng labanang eroplano na ikadadamay na ng ibang mga bansa. RNT