Militante, papapasukin sa Kamara sa SONA para hindi na lumabas ang Pangulo

Militante, papapasukin sa Kamara sa SONA para hindi na lumabas ang Pangulo

July 20, 2018 @ 5:01 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Upang masigurong hindi na lalabas ng Batasan Complex si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang State of the Nation Address(SONA), papasukin na lamang sa Kamara ang mga lider ng mga raliyista na karaniwang nagtitipon-tipon sa labas ng Batasan.

Ayon kay House Sergeant at Arms retired Lt. Gen. Roland Detabali, gusto nilang masiguro ang seguridad ng Pangulo kaya ipapatawag na lamang nila sa loob ang mga militante.

Itinaggi naman ni Detabali na may security threat kaya ayaw nilang palabasin ang Pangulo at ayaw paharapin sa mga raliyista gaya ng ginawa nito noong nakaraang SONA na lumabas at hinarap ang mga militante.

“Walang terrorist threat, chemical  o biological threat sa SONA ng Pangulo, nais lamang natin masiguro na hindi malulusutan” pahayag ni Detabali.

Bilang paghihigpit ng seguridad ay dineploy na rin ang Marawi troops special forces para magbantay sa seguridad ng SONA sa Lunes.

Inamin ni Detabali na kanila nang inabisuhan ang security team ng Pangulo na huwag itong palabasin ng Batasan.

“For the good of the President and the good of the country, we are advising the advisers of the President to refrain from going there,” paliwanag ni Detabali kung saan isa sa kanilang iniiwasan ay ang New People’s Army.

Samantala, sinabi naman ni House Secretary General Cesar Pareja na nagpaabot na si Supreme Court (SC) Chief Justice Antonio Carpio na hindi makakadalo sa SONA at hindi ito nagbigay ng dahilan habang si Vice President Leni Robredo ay tiyak na dadalo na nagsabi pang handa siya sakaling insultuhin na naman ng Pangulo. (Gail Mendoza)