Militarisasyon sa WPS, sinimulan ni dating Pangulong Aquino- Sec. Roque

Militarisasyon sa WPS, sinimulan ni dating Pangulong Aquino- Sec. Roque

June 25, 2018 @ 6:13 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Inakusahan ng Malakanyang si dating Pangulong Benigno Aquino III na pasimuno ng militarisasyon sa South China Sea (WPS).

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi magiging malala ang situwasyon sa WPS kung hindi nagpadala ng malaking warship si Aquino para arestuhin ang mga mangingisdang tsinoy sa Scarborough Shoal noong 2012.

“Kung tayo po ay gagamit ng dahas gaya ng ginawa ni Presidente Aquino na naging dahilan kung naroroon na ngayon ang mga Tsino sa Panatag – iyong pagpapadala ng isang Navy ship – ay magreresulta po iyan sa hidwaang militar na iniiwasan natin,” ayon kay Sec. Roque

Kung matatandaan aniya, noong nakipag-away ang Pilipinas sa China ay pinagtabuyan ang mga mangingisdang pinoy sa Panatag Shoal.

“Hindi po iyan mabubura. Huwag na huwag nating kakalimutan na si Presidente Aquino ang unang nag-militarize niyan, dahil siya ang nagpadala ng Navy kaya tuluyan na hindi na umalis ang mga Tsino sa Scarborough o Panatag na tinatawag,” diing pahayag ni Sec. Roque.

Wala naman aniyang balak  si Pangulong Duterte na humingi ng paumanhin sa publiko dahil sa pakikipag-kaibigan nito sa Tsina.

“Hindi po nag-a-apologize ang Pangulo sa kanyang polisiya sa Tsina. Itong pagkakaibigan po, siya pong dahilan kung hindi lang tayo nagkakaroon ng mas malawakang pagsasamahan sa bansang Tsina at itong bagong pagkakaibigan po ito rin ang magbibigay ng solusyon,” aniya pa rin.

Dahil ang desisyon aniya ng Arbitral Tribunal ay walang kinalaman sa pinag-aagawang isla.

Ang mga pinag-aagawang isla aniya ay kinakailangan maresolba pa rin sa diplomasya at hindi sa pakikipag-giyera. (Kris Jose)