Military lawyer sinibak ng SC sa pekeng desisyon

Military lawyer sinibak ng SC sa pekeng desisyon

October 16, 2022 @ 11:54 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinibak ng Supreme Court (SC) ang legal officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa inilabas na pekeng desisyon sa nullity of marriage case kapalit ng pagkuha ng salapi sa kliyente na kasamahan niya sa AFP.

Sa 10 pahinang per curiam decision ng SC en banc kinatigan nito ang rekomendasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nagsasabing guilty sa mga kasong  gross misconduct, malpractice, at deceit si Atty Edgardo H. Abad.

Sa rekord ng korte, kinatawan ni Abad ang kasamahan sa AFP na si Maria Felicisima Gonzaga sa paghahain ng petisyun para sa nullity of marriage sa Regional Trial Court (RTC) ng Pasig City.

Si Abad, na dating legal officer ng Office of the Ethical Standard and Public Accountability (AFP-OESPA) ng AFP, ang mismong nag alok ng serbisyo para maging counsel ni  Gonzaga.

Binigyan si Abad ng paunang bayad ni Gonzaga ng P37,000 bilang professional at filing fees kasabay ng gastusin na rin para sa psychological evaluation.

Tiniyak pa umano ni Abad na wala nang magaganap na court hearings dahil kilala umano niya ang judge na hahawak sa kaso.

Noong Pebrero 5, 2010, nagtext si Abad sa complainant at sinabing ipinawalang bisa na ng judge ang kasal ng complainant ngunit kailangan maitala ang decree of nullity kung kaya humingi ito ng P50,000 sa complainant para marehistro ang desisyun ni Judge Agnes Reyes-Carpio ng Pasig RTC Branch 261 sa local civil registrar.

Ilan buwan ang lumipas sinabi ni Abad sa complainant na hindi maaring mairekord ang desisyun hangga’t hindi niya ibinibigay ang balanse na P80,000.

Dito na nagduda ang complainant kaya kumunsulta ng ibang abugado.

Nadiskubre na walang naihain na petisyun para sa complainant sa naturang branch at hindi na husgado si Reyes-Carpio dahil itinalaga na ito bilang mahistrado ng Court of Appeals.

Sa pag-utos na masibak si Abad, binigyan diin ng SC na hindi lamang dinungisan ni Abad ang imahe ng legal profession kungdi sinira rin nito ang tiwalacng publiko sa hudikatura. Teresa Tavares