MILYON MAMAMATAY SA CHINA SA COVID SA 2023

MILYON MAMAMATAY SA CHINA SA COVID SA 2023

December 22, 2022 @ 1:50 PM 1 month ago


KINATATAKUTAN na ang posibleng pagkamatay ng milyong Chinese sa loob ng China sa susunod na taon ngayong niluwagan na sila sa lockdowns.

Nagkaroon ng pagluluwag nang magprotesta ang maraming mamamayan makaraang mamatay ang 10 nang masunog ang naka-lockdown na apartment sa Urumqi, Xinjiang.

Maraming dahilan umano kung bakit inaasahan na ang maraming mamamatay sa 2023.

AYAW MAGPABAKUNA

Kabilang umano sa mga pangunahing dahilan ng pagkakasakit sa COVID-19 ang pag-ayaw ng marami na mabakunahan.

Dahil naman dito, mga Bro, hindi masasabi na magiging endemic ang COVID-19 sa buong China.

‘Yun bang === kung marami sana ang nagkasakit na Chinese sa nakalipas na tatlong taong pandemya, nagkaroon sana sila ng natural nang panlaban sa COVID virus at maaaring maituring na sanang tila sipon, lagnat at ubo na lang ang dala ng COVID virus.

Isa pa, nagtiwala ang pamahalaan na sa pamamagitan ng mga lockdown, hindi basta kakalat ang virus, at kung ganoon, hindi basta magkaroon ng hawaan.

Nagtagumpay ang sistemang ito at sa katunayan, mahigit 5,000 lang ang namatay sa China kumpara sa United States na nagkaroon ng 1,113,808, ayon sa Worldometer.

BAGONG ANAK NG COVID

Isa pang kinatatakutan ang pagkakaroon ng mga anak at apo ng orihinal na COVID virus mula sa Wuhan, China.

Sa ngayon, pawang mga magkakamag-anak na ama, ina, anak, at apo ng Omicron variant ang nananalasa at bibihira na ang orig na Wuhan virus at Delta variant at mga apo ng mga ito na naging mabagsik sa India at Indonesia.

Nakikita umano ngayon na panay ang biyahe ng mga sasakyang ng punerarya kahit saan sa China patungo sa mga crematorium o sunugan ng mga bangkay.

Higit bang konektado ito sa COVID o may iba pang mga sakit na nananalasa sa China ngayon?

MAGANDANG MAG-ISIP-ISIP

Isa sa mga dapat isipin sa parte ng mga Pinoy ang pamamasyal o hindi sa China sa mga panahong ito.

Pero dapat ding isipin kung susunod tayo sa gawa ng iba na halos wala nang pakialam sa COVID.

At sila ang nag-uudyok sa mga Tsino na mag-rally laban sa lockdown na ngayo’y simula na rin ng pananalasa ng pandemya.

Ang mabuti na nababalitaan natin, mga Bro, ‘pag may balitang nagkakasakit o namamatay, kusang gumagawa ng paraan ang mga Tsino para hindi mahawa at halatado ito sa mga kakaunting naglalakbay sa mga tren at pumapasok sa trabaho.

Kusa rin silang nagkukulong sa kanilang mga bahay, lalo na ang mga maysakit.

Problema nga lang ngayon ang kakulangan umano ng mga gamot laban sa COVID bagama’t kasabay ito ng pagpapatayo ng mga pasilidad para makita ng mga mamamayan kung nilalagnat sila o hindi.

At kung magaan lang ang kanilang nararamdaman, hindi sila kailangang ipasok sa mga ospital upang ang mga may seryosong tama lang ang tatanggapin at gamutin.