Milyon-milyong halaga ng vape, nasabat ng BIR

Milyon-milyong halaga ng vape, nasabat ng BIR

November 4, 2022 @ 3:01 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ng pagsalakay ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga ipinagbabawal na vape na dahilan sa pagkawala ng potensyal na kita ng pamahalaan ng halos isang bilyong piso.

Mismong si BIR Deputy Commissioner Jun Lumagui ang sumugod kasama ang mga tauhan ng ahensya sa mga warehouse sa Maynila na nagresulta sa pagkakakumpiska ng libo-libong unit ng vape.

Sa nakalap na ulat, ang isang warehouse na sinalakay ay may nasa 50,000 hanggang 100,000 unit ng vape.

Kung ang selling price nito ay P300 kada unit ay posible ayon sa BIR na ang mga nakumpiskang vapes ay nagkakahalaga ng nasa P15 milyon hanggang P30 milyon.

Ayon kay Lumagui, nawawalan ng P1.4 bilyon kita ang pamahalaan dahil sa bentahan ng mga ipinagbabawal na vape.

Sa impormasyon, ang excise tax sa mga produktong may nicotine ay nasa 47php kada milligram at kung susumahin, nasa 500,000 units kada buwan ang illegal na ipinupuslit, dahil dito ay posibleng nasa P117.5 milyon kada buwan o P1.410 bilyon sa isang taon ang nawawala sa pamahalaan.

Nagbabala naman si Lumagui na seryoso ang BIR sa pagsalakay at pagtugis sa mga illicit vape traders na hindi nagbabayad ng karampatang excise tax.

“Expect this is not the last,” aniya. RNT/JGC

Larawan kuha ni Danny Querubin