Milyon-milyong pekeng pera nasamsam sa 2 dayuhan

Milyon-milyong pekeng pera nasamsam sa 2 dayuhan

December 21, 2022 @ 11:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang Cameroon national sa Taguig City dahil sa umano’y pamemeke ng milyun-milyong halaga ng dolyar at peso bill.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, totoong currency notes ang ginagamit ng mga suspek sa unang dalawang transaksyon bago ipinagpalit ang mga pekeng bill. Nagbebenta rin sila ng mga pekeng perang papel sa mas mababang presyo para maakit ang kanilang mga biktima.

“Sa unang pagpapalit nyo ng pera sa kanila, so bibigyan nila kayo ng totoong pera. Sa pangalawa, ganoon pa rin. Sa susunod na pag-transact mo sa kanila, ang ibibigay nila sayo ay peke na,” ani Southern Police District director Brigadier General Kirby Kraft.

Narekober mula sa mga dayuhan ang mga pekeng perang papel na nagkakahalaga ng $1.7 milyon, mahigit P2 milyon na halaga ng pekeng P1,000-peso bill, isang kalibre .33 revolver, at isang pekeng identification card na ginagamit ng isa sa kanila para ipakita ang sarili bilang doktor ng United Nations.

Nasamsam din sa kanilang hideout sa Makati City ang pekeng pera na nagkakahalaga ng hindi bababa sa $1 milyon.

“Ito po mismong pinirmahan ng Bangko Sentral. ‘Yung nakuha natin ay mga pekeng pera. Mensahe po sa mga nabiktima, pwede bang kayo ay lumutang kung kayo ay kilala ninyo lahat ng mga nahuli para dagdagan ang kaso para sa kanila,” ani NCRPO regional director Major General Jonnel Estomo.

Samantala, pinayuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na manatiling mapagmatyag sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pekeng bayarin sa panahon ng kapaskuhan. RNT