Mindanao ‘di pinabayaan ng nat’l government sa kasagsagan ni ‘Paeng’ – Abalos

Mindanao ‘di pinabayaan ng nat’l government sa kasagsagan ni ‘Paeng’ – Abalos

October 31, 2022 @ 11:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi inabandona ng national government ang Mindanao sa gitna ng pananalasa ng Tropical Storm Paeng, ayon kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos nitong Lunes.

Iginiit ni Abalos na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)ay may sariling pamahalaan at ministries na rumeresponde sa sakuna.

“Hindi po. Hindi naman totoo po ‘yun. Dapat maunawaan natin ang structure of government, may structure tayo.”

Inihalimbawa ni Abalos na ang BARMM ay may sariling Ministry of the Interior and Local Government.

Gayunman, inihayag niya na handa ang pamahalaan na tumulong sa Bangsamoro government kung kinakailangan.

“Tinatanong nga namin kahapon kung ano ang kailangan nila, ang sabi ng taga-BARRM, ay wala raw silang kailangan pa sa ngayon. They would exhaust all their resources kung meron saka raw sila magsasabi,” ayon sa DILG.

Sinabi ni Abalos na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng national government ay nakapagbigay na ng food packs sa mga apektadong rehiyon.

Nagpariham din ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng desalination machines sa apektadong local government units sa BARMM. RNT/SA