MINERAL THEFT VERSUS YINGLONG

MINERAL THEFT VERSUS YINGLONG

October 18, 2022 @ 4:39 PM 2 months ago


TILA nakatawag pansin kay Pangulong Ferdinand Marcos ang nakaraang malawakang pagbaha sa Bulacan na naging sanhi nang pagmatay ng limang (5) rescue volunteers at pagkasira ng daang milyong halaga ng ari- arian.

Kaya marahil sa first 100 days niya bilang ama ng bansa, isa sa nabanggit at natalakay sa kanyang ulat ay ang problema sa kalikasan na sa tuwi-tuwina na lamang ay nagdudulot ng delubyo at trahedya sa mamamayan.

Kasabay ng kanyang ulat ay inatasan ang Department of Environment and Natural Resources na imbestigahan ang mga nangyayaring illegal mining na patuloy na lumalabag sa umiiral na environmental laws.

Isang illegal miner na nakatawag pansin sa Pangulong Marcos ay ang Yinglong Steel Corporation na ang operasyon sa Sta Cruz at Candelaria sa Zambales ay pinahihinto ng DENR dahil sa paglabag sa mga alituntunin at batas ng kalikasan.

Mapag- alaman ng DENR na nago-operate ang naturang mining firm na walang kaukulang government permits, isa rito ay ang importatanteng requirement na environmental compliance certificate.

Dahil sa pambabalahura ng Yinglong sa batas ng kalikasan, nag-isyu si Engr William Cañudo ng cease and desist order na nag-aatas sa kompanya na huminto sa kanilang pagmimina.

Suhestiyon natin kay DENR Secretary Ma. Antonia Yulo – Loyzaga, hindi lang dapat maipasara ang Yinglong, bagkus ay sampahan ng kaukulang kaso ang mga may- ari para magsilbing babala sa iba pang illegal miners.

Dumating sa mining site ang nasabing company, naghukay pagkatapos ay dinala ang barko-barkong nickel mineral sa buyer sa China na walang ECC at iba pang government permits, aba’y “mineral theft” ‘yan.

Sa report ng DENR, umabot na sa walumpu’t walong ektarya ang binungkal na lupain sa kabundukan ng Sta. Cruz at Candelaria pagkatapos ay dinala palabas ng bansa para ibenta at pagkakitaan.

Dahil walang permiso, maliwanag na ninakaw ang tone-toneladang nickel mineral kaya swak ang Yinglong sa mabigat na kasong mineral theft na maituturing din na economic sabotage.