‘Mini Buntis Congress’ inilunsad sa Las Piñas

‘Mini Buntis Congress’ inilunsad sa Las Piñas

August 3, 2022 @ 12:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang ‘Mini Buntis Congress’ at nagbigay ng lektyur patungkol sa mas ligtas na pagbubuntis at kahalagahan ng regular na pagpapa-prenatal checkup ng isang nagdadalang-tao.

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na sa isang Safe Motherhood Advocacy lecture at Mini Buntis Congress na isinagawa ng mga miyembro ng City Health Office (CHO) ay ipinaalam sa lahat ng kababaihan sa lungsod kung papaano nila mapapangalagaan ang kanilang mga sarili sa panahon ng pagbubuntis pati na rin ang pag-aalaga ng kanilang dinadalang sanggol sa kanilang sinapupunan.

Bukod pa sa regular na pagpapa-prenatal checkup ng kanilang pagbubuntis ay sinabi din ni Aguilar na importante din na pangalagaan nila ang kanilang oral health kung saan ipinaliwanag ng CHO na ang mga komon na sakit ng oral health ay kinabibilangan ng cavities o pagkasira ng ngipin, sakit sa gilagid at oral cancer.

Kasabay din na ipinaalam ng CHO sa mga lumahok sa aktibidad ang importansya o kahalagahan ng pagpapasuso ng ina sa kanyang anak na sanggol mula sa pagkakaluwal hanggnag anim na buwang gulang.

Dagdag pa ni Aguilar na bilang bahagi ng programang pangkalusugan ng kanyang administrasyon na “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo”, ito ay ipinagkakaloob ng libre sa mga residenteng buntis ng lungsod kung saan pinapayuhan ang mga ito na bumisita sa pinakamalapit na barangay health centers sa kanilang lugar tuwing araw ng Martes at Huwebes.

Hinihimok din ng CHO team ang mga nagbubuntis ang pagsasagawa ng family planning at ang pagiging responsable sa pagkamagulang.

Para sa karagdagang kaalaman sa libreng pagbibigay ng serbisyo na iniaalok ng lokal na pamahalaan ay bumisita lamang ang mga ito sa opisyal na Facebook page ng CHO sa Las Pinas City Health Office. James I. Catapusan