Minimum jackpot prize ng lotto pag-aaralang itaas

Minimum jackpot prize ng lotto pag-aaralang itaas

August 31, 2022 @ 10:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pag-aaralan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang panukala ng Kamara na itaas ang minimum jackpot prizes sa Lotto games bilang paraan na makahikayat ng mas maraming mananaya at magkaroon ng mas malaking kita.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng PCSO, hiniling ni Valenzuela City Rep. Eric Martinez na itaas ang premyo ng lotto games matapos na rin amininin ni PCSO Chairman Junie Cua na kapag malaki ang premyo sa lotto draw ay mas marami ang tumataya.

Ayon kay PCSO Assistant General Manager for Charity Sector Dr. Larry Cedro sa kasalukuyan ang minimum jackpot prize ay ang sumusunud: sa Lotto P6/42- P6 million; sa 6/45 ay P9 million; P16 million sa 6/49; P30 million sa 6/55 at sa 6/58 ay nasa P50 million.

Sinabi ni Martinez na kung mas maraming tataya ay nangangahulugan ito ng mas malaking revenue.

“I’m concerned about the revenue kasi nga ang bottom line talaga ng PCSO is fund generation. Nine million pesos nga ang prize ceiling, ang naging sales naman P1 million lang tapos may nanalo pa, eh ‘di lagot kaagad. Kung P15 million ang ceiling jackpot prize tapos ang naging sales dahil mas malaki ang premyo ay P20 million, kahit may manalo I think we are winning the revenue battle.So why not give it a try, study it, na baka pwedeng ‘yung floor prize itaas na natin to encourage more bettors,” paliwanag ni Martinez.

Bukas naman sa ideya ang PCSO, ani, Cua nang maupo ito sa PCSO ay ito rin ang kanyang naisip.

“Definitely that is a point well taken and we will study it. In fact, when I first assumed, ‘yun din ang naisip ko eh. So, baka pwedeng sa umpisa palang taasan na para ma-encourage na tumaya and therefore we increase sale.” pagtatapos pa ni Cua. Gail Mendoza