Minnesota, pilay sa pagkawala nina Rose, Teague, Covington

Minnesota, pilay sa pagkawala nina Rose, Teague, Covington

March 22, 2019 @ 11:06 AM 3 years ago


New York – Tila nadagdagan pa ang tinik sa lalamunan ng Minnesota Timberwolves gayong ang mga guard na sina Derrick Rose at Jeff Teague at forward na si Robert Covington ay hindi na makapaglalaro sa natitirang laban ngayong season.

Inanunsiyo ito ng T-Wolves nitong Huwebes na nagpapahina sa kanilang pag-asang manaig sa NBA playoffs.

Ang T-Wolves ay may rekord na 32-39 matapos silang matalo sa 7 sa huli nilang 10 laro at kinakailangang manalo ng 10 sa natitira nilang 11 upang makaabot sa post-season.

Si Rose, ang 2011 NBA Most Valuable Player, at si Teague ay hindi na nakapaglaro sa huling 4 games. Si Rose ay mayroong namamagang kanang siko habang si Teague ay mayroon ding injury sa kaliwang paa na iniinda na niya simula pa noong Disyembre. Muling ire-reevaluate ang kalagayan ng dalawa, magiging free agents na sa Hulyo, pagkatapos ng season.

Samantala, si Covington, may kontrata hanggang kalagitnaan ng 2022, ay hindi na nakapaglalaro ng 34 games dahil sa right knee bone bruise.

Si Covington ay may average na 14.5 points, 5.7 rebounds at 2.3 steals para sa T-Wolves habang si Rose naman ay may average na 18.0 points, 2.7 rebounds at 4.3 assists. Umaabag din si Teague ng 12.1 points, 2.5 rebounds at 8.2 assists.

Si Karl-Anthony Towns ang nangunguna ngayong season sa Minnesota hawak ang average na 24.6 points at 12.3 rebounds./Remate News Team