Minority senators, natuwa sa planong pagtigil ng excise tax sa langis

Minority senators, natuwa sa planong pagtigil ng excise tax sa langis

October 10, 2018 @ 12:50 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Natuwa ang minority senators sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang paniningil ng excise tax sa produktong petrolyo matapos pumalo sa mahigit $80 kada bariles ang langis sa pandaigdigang merkado.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Bam Aquino na lubos na ikinatutuwa ng oposisyon ang plano ni Pangulong Duterte na magbibigay kaginhawahan sa mahihirap na lubhang naapektuhan ng TRAIN law.

“Lubos tayong nasisiyahan na bukas siya at pinag-iisipan na ni Pangulong Duterte ang pagsuspinde sa pagtaas ng buwis sa petrolyo ngayong Enero,” ayon kay Sen. Bam.

Nitong Lunes, inihayag ng Palasyo na plano ni Pangulong Dutete na itigil pansamantala, alinsunod sa suhestiyon ng economic cluster sa Gabinete, na isuspinde ang koleksiyon ng excise tax upang mapigilan ang pagtaas ng langis.

“Matagal na po tayo nananawagan na kailangan nang magtulungan upang bigyan ng ginhawa ang mga kababayan nating nalulunod na sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” ani Sen. Bam.

“Umaasa po kami na kayang magkaisa ang iba’t ibang partido sa gobyerno upang magkatotoo ang suspension ng excise tax at bawasan ang presyo ng petrolyo,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng planong ito, inihayag naman ni Senador Kiko Pangilinan na nakatakdang maghain ng resolusyon ang minorya bilang panawagan sa suspensiyon ng excise tax sa ilalim ng TRAIN Law sa darating na Enero 2019. /Ernie Reyes