Misa, concert sa inagurasyon ni Sara kasado na

Misa, concert sa inagurasyon ni Sara kasado na

June 5, 2022 @ 9:45 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sigurado nang idaraos ang inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte sa Davao City sa Hunyo 19.

Sa katunayan, idaraos ang inagurasyon sa San Pedro Square simula alas- 3:00 ng hapon at magtatapos ng alas-11:00 ng gabi.

Papayagan naman ang publiko sa nasabing lugar ng alas-2:00 ng hapon.

Magsisimula ang event sa isang thanksgiving Mass ng alas-3:00 ng hapon sa San Pedro Cathedral na dadaluhan ni Archbishop Romulo Valles.

Sinabi ng kampo ni Duterte na ang misa ay mapapanood via livestream sa LED walls ng San Pedro Street na aabot sa kanto o sulok ng CM Recto at Anda Streets, Bolton Street, hanggang sa kanto ng Magallanes at Rizal Streets.

Susundan naman ito ng inaugural ceremony ng alas-4:30 ng hapon sa stage area.

Manunumpa si Duterte sa isang tanggapan bilang pang-15 bise-presidente ng Pilpinas sa harap ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando.

Pagsapit naman ng alas-6:00 ng gabi ay sisimulan na ang Musikahan-Pasasalamat concert na dadaluhan nina Andrew E, Isay Alvarez, Robert Seña, Njel de Mesa, at Wency Cornejo. Si Giselle Sanchez ang magsisilbing host ng programa.

Sa kabilang dako, pinaalalahanan naman ng kampo ni Duterte ang publiko na i-observe ang health at safety protocols gaya ng “wearing of face masks, sanitizing hands regularly, and practicing cough and sneezing etiquette.”

Ang lahat ng dadalo sa event ay dadaan sa pamamagitan ng security screening sa entry points.

Ang lahat ng attendees ay pinayuhan na huwag magdala ng backpacks, huwag magsuot ng jackets at huwag magdala ng mga matutulis na bagay.

Mayroon namang hiwalay na lugar para sa mga persons with disability (PWD), senior citizens, at mga buntis.

Samantala, may ilang kalye naman sa paligid ng Davao City Hall at kalapit-lugar ang isasara sa mga motorista sa Hunyo 18 hanggang 19 para sa nabanggit na event.

Pinayuhan ang mga ito na asahan na ang mabigat na daloy na trapiko. Kris Jose