Misis kinatay ni mister sa away-pera

Misis kinatay ni mister sa away-pera

December 15, 2022 @ 12:26 PM 2 months ago


BOMBON, Camarines Sur- PINAGTATAGA hanggang sa mamatay ang isang misis ng kanyang lasenggong mister matapos magtalo tungkol sa pera, iniulat kahapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Manilyn Boaquiña, 32, dating OFW, habang nadakip naman ang suspek na asawa nitong si Salvador Boaquiña, 41, kapwa residente sa Brgy. Siembre sa nasabing bayan.

Batay sa report ng Bombon Municipal Police Station, dakong 9:00 PM ng maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng mag-asawang Boaquiña sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, umuwing lasing ang suspek at hinintay pa ito ng biktima para sabay silang kumain ng hapunan.

Habang kumakain, inungkat ng biktima na ubos na wala na silang pera para sa gastusin sa pang-araw-araw at wala na rin ang kanyang naipon simula dumating siya sa ibang bansa.

Nagalit ang suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo at pagkatapos kumain ay dumiretso na ang biktima sa kanilang kuwarto para matulog.

Subalit, sinundan ito ng suspek na may bitbit na itak at pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng nasabing himpilan ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong parricide./Mary Anne Sapico