Misis na kakalas sa mister binigti; suspek lumagok ng lason, patay

Misis na kakalas sa mister binigti; suspek lumagok ng lason, patay

February 21, 2021 @ 2:48 PM 5 days ago

  •  
  •  
  •  

LAPU-LAPU CITY – Sa sobrang pagmamahal, nagawang patayin ng isang mister ang kanyang misis sa pamamagitan ng pagbigti nang hindi pumayag ang una na makipaghiwalay ang huli kaya nagawa na rin nitong sumunod sa kamatayan sa pamamagitan ng paglagok ng lason, iniulat kahapon ng hapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga namatay na sina Giovanni Lopez Capangpangan, 45, at asawa nitong si Michelle Modina Capangpangan, 38, kapwa residente ng Poblacion Occidental, Consolacion City.

Batay sa report ng Station-3 Lapu-Lapu Police Station, dakong 11:00AM nang madiskubre ang bangkay ng mag-asawa sa loob ng kanilang Denash Jewelry Repair Shop sa Punta Rizal Street, Barangay Pajo, ng naturang lungsod.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report mula sa kapatid ni Giovanni na si Eva Capangpangan Patalinghug na nakita nito ang bangkay ng mag-asawa sa loob ng shop ng mga ito.

Sa pagresponde ng mga pulis nakita nila ang cable wire sa leeg ni Michelle na siyang ginamit sa pagbigti ni Giovanni sa kanyang misis habang nakahandusay naman ito sa sahig at wala na rin buhay matapos lumagok ng kemikal na siyang ginagamit sa paglilinis ng mga alahas.

Natagpuan rin sa lugar ang suicide note ni Giovanni para sa kanyang mga anak na nagsasaad ““Mga anak, morani tubag sa tan. Kuyog ko sa iyo mama. Pasayloa ko,” o sasama na ako sa inyong mama, patawarin n’yo ako.”

Kuwento ng mga kaanak ng mag-asawa, bago ang insidente nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-asawa dahil gusto ng makipaghiwalay ni Michelle subalit hindi naman pumapayag si Giovanni.

Ayon naman kay Eva, nagtataka siya kung bakit nakasarado ang jewelry shop ng mag-asawa habang nakabukas ang aircon kaya nagpatulong na itong sirain ang pintuan at tumambad sa kanilang harapan ang bangkay ng mag-asawa.

 Naniniwala naman ang mga otoridad na posibleng pinatay muna ni Giovanni ang kanyang misis saka naman siya nagpakamatay. Mary Anne Sapico


  •  
  •  
  •