Misis ng bagong lider ng Maute Group, arestado… bomb expert, patay

Misis ng bagong lider ng Maute Group, arestado… bomb expert, patay

July 16, 2018 @ 7:10 PM 4 years ago


General Santos City – Patay ang umano’y bomb expert ng Maute Group habang naaresto naman ang asawa ng bagong leader nito.

Ayon kay Eastern Mindanao Command spokesperson Major Ezra Balagtey, kinilala nito ang nasawi na si Najib Calimba Pundog alias Najib Hussein, na umano’y bomb expert ng ISIS-inspired group.

Napatay ito sa kaninang alas-2:15 ng medaling araw (July 16, 2018) sa inter-agency operation sa Zone 3, Block 5, in Barangay Fatima.

Naghahain lang sana ng warrant of arrest kay Pundog sa kasong murder, kidnapping at serious illegal detention nang manlaban ito sa inter-agency group na kinabibilangan ng Joint Task Force GenSan at Regional Mobile Force of the Philippine National Police Office 12

Nakuha mula dito ang isang glock pistol at granada.

Nasugatan naman ang isang pulis na hindi na pinakilala pa at nagpapagaling na sa ospital sa General Santos City.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation kaninang alas-7 ng umaga, naaresto si Nafisa Pundog na asawa ng bagong Emir na si Owayda Benito Marohombsar alias Abu Dar.

Si Nafisa ay nakatakas sa Marawi City Jail noong 2016. (Remate News Team)