Misis ni John Regala, nagsalita na: “Di ko iniwan si John dahil sa pera!”

Misis ni John Regala, nagsalita na: “Di ko iniwan si John dahil sa pera!”

August 4, 2020 @ 6:24 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Hindi na napigilan ni Vicky Scheerer ang kanyang sarili na magsalita kaugnay sa kaso ng kanyang asawang si John Regala dahil nais niyang lumuwag ang kanyang dibdib sa mga paratang laban sa kanya.

Tinupad ni Vicky ang kanyang pangako na sa inyong lingkod unang magpainterbyu.

“Gusto kong linisin ang pangalan ko. Sirang-sira na ako kaya magsasalita na ako. Ang daming bashers,” pahayag sa telepono ni Scheerer na nangangatal ang tinig.

“Hindi ko iniwan si John nang dahil sa pera o sa kanyang sakit kundi matigas ang kanyang ulo. Hindi siya naniniwala sa akin.”

“Gustong-gusto niyang lumabas ng bahay, e, may sakit nga siya. Health risk siya. Ngayon pa naman na may COVID, e, ayaw niyang makinig sa akin. Sabi ko, ako na lang ang lalabas pero sinigawan pa niya ako. Pinaghinalaan pa niyang may ka-date ako. Tama ba naman ‘yon?” tanong ng nagsisimulang tumangis na si Vicky, Gina Alonzo sa tunay na buhay.

Dati siyang may talent agency para sa Japan at dahil dito, nakilala rin siya sa pangalang Vicky.

Ang hindi rin niya matanggap, ayon kay Scheerer ay ang paratangan na tinalikuran na rin siya ng kanyang mga inampon. Sinabi ni Vicky na ang anak-anakan niyang si Gilbert ay mahal siya at inaalala si John.

“Pati ang tunay kong anak ay pinalalabas niyang walang kuwenta. Mahal na mahal na siya nung bata,” sabi ni Scheerer na ang pinatutungkulan ay ang anak niya sa isang Hapon.

“Wala na nga akong mukhang inihaharap sa anak ko at kay Gilbert nang dahil kay John, tapos, gano’n pa siya,” humahagulgol na kumpisal ng esposa ng aktor.

Kasal aniya sila ni John sa huwes noong Oktubre 1995 at 25 taon na silang nagsasama.

Hindi naman aniya sa pagbubuhat ng bangko ay marami siyang nagawa para kay John pero ganito pa ang iginanti sa kanya.

Binabatikos pa siya ng mga taong nakaugnay ng aktor kabilang ang mga babae na aniya ay ngayon lamang lumalantad tulad ng unang pinakasalan ni Regala na si Aurina Alvarez Manansala Hunt.

Nasa US na si Aurina kasama ang kanyang anak kay John na si John Keiffer, isa pang anak na lalaki na nagngangalang Chris sa ibang relasyon at ang kanyang mister na si Stephen Hunt. Boy Villasanta


  •  
  •  
  •  

Loading...