Misis patay sa sakal ni mister

Misis patay sa sakal ni mister

July 20, 2022 @ 8:02 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang misis matapos sakalin ng kanyang mister sa loob mismong ng kanilang tahanan kamakalawa sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang biktima na si Mae Encinares, 26 anyos ,  residente ng 67 Ilocos Norte St., Brgy. Alicia, Q.C.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang kanyang mister na si Ralph Miguel Encinares, 26.

Sa ulat ni PCPL Rasul Monib, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 7:40 ng umaga ng Martes nang madiskubre ang bangkay ni Mae sa loob ng kanilang tahanan, ng kanyang mga magulang na sina Rafael at Belen Historillo.

Nauna rito, nakarating umano sa mag-asawang Historillo ang ulat na inihatid ng suspek sa nanay nito ang dalawang anak nila ni Mae.

Dahil dito, kaagad na nagtungo ang mag-asawang Historillo sa tahanan ng mag-asawang Encinares upang alamin kung ano ang nangyari, at dito na nila nadiskubre ang bangkay ng anak.

Pagdating naman ng mga pulis, sinabi nila sa mag-asawang Historillo na sumuko na sa pulisya si Ralph pasado 8:00 ng umaga at inamin ang pagpatay sa asawa.

Sa salaysay ng suspek, lumilitaw na madaling araw pa lamang nang mapatay niya ang misis.

Aniya, bago ang krimen ay mahimbing siyang natutulog nang magising dahil sa pananakal sa kanya ng biktima.

Ayon kay Ralph, sinubukan pa niyang makiusap sa asawa na tumigil na ngunit hindi siya pinakinggan nito.

“Sinubukan ko pong makiusap sa kaniya na tumigil na, tama na, kaso hindi. Nakikita ko sa kaniya na talagang galit siya,” pahayag ng suspek.

Nang magawa umano niya itong pigilan sa ginagawa ay nagdilim na rin ang kanyang paningin kaya’t sinakal rin niya ito at tinigilan lamang umano niya ang ginagawa nang mapunang hindi na kumikilos ang biktima.

Inakala pa umano niya na nawalan lamang ng malay ang asawa ngunit nang makumpirmang patay na ito, ay kaagad na niyang dinala ang kanilang mga anak sa kanyang ina at saka siya sumuko sa pulisya.

Inamin ni Ralph na may galit sa kanya ang asawa dahil noong taong 2017 ay nahuli siya nito na may ibang babae.

Noon naman aniyang Agosto 2021 ay nahuli rin niya ang babae na may ka-text na lalaki sa cellphone nito at nagpadala pa ng hubad na larawan sanhi upang lalong lumala ang kanilang problema.

Sa tuwina naman umanong maaalala ng biktima ang kanyang naging pambababae ay nagagalit ito sa kanya at sinasakal siya lalo na kapag siya ay natutulog.

Dati aniya ay nakakapagtimpi pa siya sa asawa ngunit nitong huli aniya ay nawala na rin siya sa sarili kaya’t ginantihan ito ngunit nauwi naman sa pagkamatay nito.

Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kasong  parricide sa piskalya. Jan Sinocruz