MISIS, SINGLE MOM SUMALI NA SA MISS U

MISIS, SINGLE MOM SUMALI NA SA MISS U

October 29, 2022 @ 3:55 PM 4 weeks ago


SA susunod na taon, balak ng Ms. Universe Organization na isali na ang mga misis at may anak bilang mga kandidata sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa.

Mismong si Jakapong Jakrajutatip, bagong may-ari ng kompanya ang nagsabi nito.

Si Jakrajutitap ay isang transgender at napakaganda na ngayong babae mula sa dating niyang katauhan na lalaki.

Naging matagumpay siya sa larangang pag-aartista, isang bilyonaryang Thai national at nakasali sa mga reality TV show na Project Runway and Shark Tank.

Nabili ni Jakrajutatip, may-ari ng JKN Global Group na nakabase sa Thailand at gumagawa ng television shows sa nasabing bansa, ang Miss U Org sa halagang $20 milyon bagama’t $14M lang umano ang binitiwan nitong pera.

Nakilala at sumikat si Jakrajutatip makaraan itong maging bida o kasali sa mga television show na Project Runway and Shark Tank.

Dating pag-aari ni ex-President Donald Trump ang Ms. U Org ngunit binitiwan niya ito makaraan siyang batikusin ng ilan sa pang-iinsulto sa ilang kababaihang kandidata mismo para sa Ms. Universe.

PWEDENG-PWEDE SILA

Kung matutuloy ang balakin ni Jakrajutatip na hindi na lang ang mga may-asawa at single, magkakaroon ng bagong mundo ang kababaihan.

Kung sinasabi nila ngayon na panahon nang kilalanin ang kapangyarihan ng kababaihan o women power, ito na ang isa nilang pagkakataon.

Kung mapapansin nga naman, sa mga pinale sa patimpalak, itinuturing na wala lahat ang mga naunang bahagi nito sa huling limang kandidata.

Doon sa mga question and answer o Q&A nakaangkla ang panuntunan sa pagpili ng pangunahing reyna.

Kung nanamnamin ang mga katanungan, nais ng Ms U Org na tunay na makabuluhan ang kagandahan.

Kaya naririyan sa mga Q&A ang mga usaping environment, kapayapaan, digmaan, pagkakapantay-pantay, tugon sa mga kalamidad at pandemya, krimen, karapatang pantao at marami pang iba.

Karaniwang pinananalo ng mga hurado ang mga may pinaka sa mga kaisipan at paninindigan sa mga seryosong usaping pandaigdingan at ukol sa sangkatauhan.

Siyempre, hindi pahuhuli ang mga misis at single moms sa pagbibigay ng mga mayayamang kaisipan at matatatag na paninindigan.

Ang hugis ng katawan, ganda sa mukha, kinis ng balat – napag-iiwanan lahat sa Q&A at nangingibabaw ang lahat ng mga bagay na may kahulugan sa mundo at sangkatauhan.

MAGTATAGUMPAY KAYA?

Nabubuhay ang ganitong mga organisasyon at aktibidad sa mga komersyal kung tawagin.

Alalahaning nagbabayad ng malaki ang mga kompanya na namumuhunan sa kagandahan ng kababaihan.

Naririyan ang mga kompanya, halimbawa, na nagpo-promote ng mga pampaputi at pampaganda umano, kasama na ang mga magagarang damit at alahas.

At kapag nag-asawa na ang Ms U, tapos na rin ang kanyang kaligayahan o kita sa mga komersyal.

Pero paano naman kung mga pang-misis at single mom ang sasali sa mga komersyal?

At maisasama rito ang pangangailangan ng mga anak ng mga beauty queen na ito?

Hmmm…

Ibang uri na talaga siguro ang kinabukasan ng mga patimpalak.

Maaaring katapusan na o lalong tatanyag ang organisasyong Ms. U pageant na deka-dekada nang tinatangkilik ng buong mundo.