Miss U Canada Nova Stevens, ayaw tantanan ng Pinoy bashers!

Miss U Canada Nova Stevens, ayaw tantanan ng Pinoy bashers!

June 1, 2021 @ 11:47 AM 2 years ago


TORONTO, Canada – Nag-apologize na nga ang Miss Universe Canada (MUC) organization sa Filipino fashion designers na sina Michael Cinco at Rian Fernandez.

Nilinaw ng organization na ang kumpanyang MGmode na nag-akusa ng late delivery ng gowns para kay Miss Universe Canada 2020 na si Nova Stevens ay isang “third party support company” at ‘di opisyal na bahagi ng MUC.

Sa Instagram post ng MUC, ‘di tahasang binanggit ang MGmode pero ang nasabing PR company ang nanisi kay Michael na kaya ‘di man lang nakapasok sa Top 21 si Nova ay dahil ‘di nito nagamit ang gowns na ‘di maagang dumating sa Florida, USA at pawang may mga diprensya pa umano.

Isa lang umano sa tatlong gowns ang naremedyuhan nila para sa preliminary events ng pageant.

Ang pahayag daw ng MGmode ay ‘di pahayag ng MUC. Nagpahiging pa ang MUC na ang MGmode ang ilang taon na ring pumipili ng mga fashion designer na magdadamit sa representative ng Canada sa Miss Universe pageant.

Inamin naman ng MUC na alam nito na tradisyonal ng ‘di binabayaran ang fashion designers sa gowns na likha nila at mismong ang fashion designers pa ang gumagastos sa shipment ng mga gown sa host country ng Miss Universe pageant. Ang kapalit daw ng mga pagod at gastos ng fashion designers ay ang ma-promote sila sa global events na bahagi ng pageant.

Walang binanggit ang MUC kung ano ang napapala ng mga designer na hinilingan ng mga gown pero ni isa sa mga iyon ay ‘di nagamit. Ang nagkaroon ng ganung karanasan sa isa sa mga nakaraaang Miss Universe pageant ay ang Pinoy designer na si Rian Fernandez.

Tahasang nag-apologize ang MUC kina Michael at Rian. “We specifically want to apologise to Michael Cinco and Rian Fernandez for any damage these recent incidents have caused to them or to their brand,” ayon sa statement.

Nabanggit din ng MUC ang libu-libong hate messages na natatanggap ngayon ni Nova Stevens na “filled with hate, racism, and death threats.”

Hirit ng MUC: “This type of behavior is unacceptable, and nobody should be subjected to this level of cyber bullying, hate and violence.

“The MUC organization strongly objects to this level of abuse, and we refuse to partake in stooping to that level of ugliness.”

Sa pagtatapos ng pahayag, sinabi ng MUC na ipagpapatuloy nito ang kanilang legacy na sinimulan 18 taon na ang nakalipas.

Saad ng MUC: “We are always working to make things better year over year, and we thank you all for your continued support through the good and bad times.

“Thanks and love to all with beauty and strength.” Danny Vibas