MISSILE LABAN SA PILIPINO, HINDI SA AMERIKANO

MISSILE LABAN SA PILIPINO, HINDI SA AMERIKANO

February 17, 2023 @ 3:59 PM 1 month ago


KAPAG may giyera sa pagitan ng mga Tsino at Amerikano dahil sa Taiwan, malamang na kasabay ng mga bomba at missile ng Tsino na paliliparin nila laban sa Taiwan ang paliliparin din nila laban sa Pinas.

Ito’y dahil may base militar tayo, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, na roon magkakampo at magpapalipad din ng mga missile at bomba ang mga Amerikano laban sa mga Tsino.

Kasama sa mga base militar natin at ng mga Kano ang Cesar Basa Air Base, Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation, Nueva Ecija; Lumbia Airfield, Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase, Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base, Cebu.

Limang iba pa na malapit lang sa Taiwan at isa sa Palawan ang itatayo.

‘Di pa natin alam kung Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Cagayan, Kalinga, Apayao at Isabela.

Basta malapit lang sa Taiwan para mabilis umanong makakilos ang mga Kano para idepensa ang Taiwan at kanilang mga barko, submarino at eroplano na lalapit sa Taiwan.

Pero higit dito ang usapan dahil gagamitin ang mga base militar para missile-in at bombahin ng mga Kano ang Tsina.

Ano ang mangyayari sa Pinas niyan, lalo na ang mga pook na may base militar?

Malamang na magiging katulad ito sa Ukraine na durog-durog ang mga parte nitong malapit lang sa mga lugar ng pakikipaglaban nito sa Russia.

Habang may giyera, ligtas na ligtas ang Amerika sa digmaan sa layo nitong mahigit 12.2 libong kilometro mula sa Taiwan, Tsina at Pinas.

Bibigyan naman daw tayo ng mga armas gaya ng ginagawa nito sa Ukraine para sa pagtatanggol natin ng sarili.

Habang nagkakamatayan sa Pinas, damay ang lahat ng Pinoy, andoon lang naman ang mga Kano sa kanila na walang giyera at nagra-rock en roll.