Missile ng NoKor lumagpak sa dagat SoKor

Missile ng NoKor lumagpak sa dagat SoKor

November 2, 2022 @ 11:46 AM 1 month ago


SEOUL, South Korea – Bumagsak sa dagat na sakop ng South Korea ang short-range ballistic missile na ikinasa ng North Korea.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na tinawid ng missile ng nasabing bansa ang maritime border mula nang hatiin ang Korea.

Sa ulat, ang ballistic missile ay lumapag malapit sa isla ng Ulleungdo na nagresulta sa pagtunog ng air-raid alarm sa lugar.

Dahil dito ay inabisuhan ang mga residente na magtago sa mga underground shelters.

Ayon sa mga opisyal ng South Korea, Miyerkules ng umaga, Nobyembre 2 ay nagpakawala ang Pyongyang ng nasa 10 missiles sa east coast nito at nakatutok sa direksyong kanluran at silangan.

Kapwa naitala ng mga opisyal sa South Korea at Japan ang mga missile na pinakawalan at ang isa nga ay lumampas pa sa Northern Limit Line o 26 kilometro timog ng maritime demarcation border.

Kinondena naman ang insideneng ito at agaran na nagpatawag si South Korean President Yoon Suk-yeol ng National Security Cabinet meeting. RNT/JGC