Missing nene sa Bulacan na hinalay ng nobyo, natunton sa Caloocan

Missing nene sa Bulacan na hinalay ng nobyo, natunton sa Caloocan

December 2, 2022 @ 4:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakita na ng mga awtoridad ang 12-anyos na dalagitang ilang araw nang nawawala sa pamamagitan ng cellphone locator na umano’y ginahasa ng nobyo sa lungsod ng Caloocan.

Kinilala ang naarestong suspek na si Jeremie Pael, 23, alyas Bullet, binata ng Brgy. 165, Bagbaguin, Caloocan City habang ang biktima ay grade 7 student lamang na residente ng Brgy. Poblacion, Pandi, Bulacan.

Sa report ni Pandi police, OIC, PLt. Col. Gilmore Wasin, natunton ng mga awtoridad ang nawawalang dalagita nitong tanghali ng Disyembre 1, sa bahay ng suspek.

Ayon sa report, sa pamamagitan ng cellphone locator ay natunton ng mga awtoridad ang lokasyon ng dalagitang nawawala sa naturang lungsod.

Dahil dito, bandang alas-9 ng umaga ng araw na iyon, agad tumulak ang mga awtoridad at pamilya ng bata sa Caloocan Police station 7 at Brgy. Hall ng Bagbaguin para sa kaukulang koordinasyon.

Bandang ala-12 ng tanghali ay tumulak naman ang mga awtoridad sa itinuro ng cellphone locator at sa tulong ng mga residente doon ay natunton kalaunan ang batang nawawala sa bahay ni alyas Bullet.

Nalamang huling nakita ang bata nitong Nobyembre 27 na umano’y nanirahan kinabukasan sa sinasabing nobyong nakamabutihan sa social media at humalay sa kanyang bubot na katawan.

Habang sinusulat ito, dinala na ng mga awtoridad ang suspek sa lungsod ng Caloocan na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ng pamilya ng biktima. Dick Mirasol III