Missionary worker mula sa Zimbabwe, ipina-deport na

Missionary worker mula sa Zimbabwe, ipina-deport na

July 5, 2018 @ 8:15 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Napatalsik na palabas ng bansa ang missionary worker mula Zimbabwe.

Ito ang kinumpirma ni Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval.

Ayon kay Sandoval, si Tawanda Chandiwana ng United Methodist Church ay na-deport o nakaalis na ng bansa kanina lamang alas-12 ng tanghali.

Si Chandiwana ay napag-alamang overstaying na sa bansa .

Siya ay naaresto sa  Toril, Davao noon pang May 9 sa bisa ng mission order na inisyu ni Commissioner Jaime Morente matapos lumabas sa inspekisyon na noon pang April 6 nagpaso ang missionary visa nito at inamin din nito na noon pa siyang October 2016 nagsimula sa kanyang trabaho sa Pilipinas pero noong 2017 lamang kumuha ng visa.

Bukod dito, nasa blacklist na rin ng BI umano si Chandiwana  dahil sa pagiging overstaying alien at pakikiisa sa mga aktibidad ng mga makakaliwang grupo.

Samantala,  nakaalis na rin ng Pilipinas kahapon sa bisa ng “order to leave” ang  Amerikanong Methodist missionary na si Adam Thomas Shaw.

Ayon sa BI, napaso ang missionary visa ni Shaw noon pang April 26  na inaakusahan ding nakikiisa sa mga aktibidad ng mga makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Sandoval, ang “order to leave” ay isang direktiba na maaaring hindi maglagay sa dayuhan sa blacklist ng BI hindi gaya ng deportation na may kaakibat na blacklisting. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)