Mister binitbit sa pangmomolestiya sa pamangkin sa Navotas

Mister binitbit sa pangmomolestiya sa pamangkin sa Navotas

August 4, 2022 @ 7:27 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Himas-rehas ang isang mister matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa kanyang pamangkin sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness ang 56-anyos na suspek na kinilala lang sa alyas “Roger” ng Brgy. NBBS Dagat dagatan.

Sa report ni PSMS Felbie Lim-Puda kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, habang natutulog ang sa loob ng kanilang bahay sa nasabing barangay ang biktimang itinago sa pangalang “Katya”, 24, dakong alas-7:30 ng umaga nang magising siya makaraang maramdaman niyang may humihipo sa kanyang hita at puwitan.

Nang imulat niya ang mga mata, nakita ng biktima ang kanyang tiyuhin na halos hubo’t hubad kaya napabalikwas siya ng bangon saka tumakbo sa patungo sa pinto para buksan at humingi ng tulong.

Gayunman, tinangka siyang pigilan ng kanyang tiyuhin subalit, nagpumiglas ang biktima hanggang sa magawa niyang makatakas at makahingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Boysan Buenaventura