Caloocan City – Winakasan ng isang 35-anyos na vendor ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos iwanan ng kanyang misis sa Caloocan City, kaninang umaga.
Ang biktima na si Ronnie Orlina alyas “Onnie” ay nadiskubre ng kanyang sister-in-law na si Emily Orlina, 31, na nakabigti sa loob ng kanilang bahay sa Phase 8B Block 5 Lot 11 Package 4, Brgy. 176 Bagong Silang dakong alas-10 ng umaga.
Kaagad tinawag ni Emily ang kanyang asawa na si Lexel subalit, nang tignan ay wala ng buhay ang biktima kaya na ipinaalam na lamang ang insidente sa pulisya.
Sa pahayag ni Lexel kay Caloocan police homicide investigators PO3 Louille Rabara at PO1 Anastacio Panga, Jr., naging malungkutin at walang kibo umano ang kanyang kapatid simula nang iwan ito ng kanyang misis ilang linggo na ang nakalipas.
Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni Chief Insp. Liza, narekober sa crime scene ang nylon cord na ginamit ng biktima sa pagpatiwakal. (Rene Manahan)