Mister na nagkakabit ng jumper nakuryente, kritikal

Mister na nagkakabit ng jumper nakuryente, kritikal

October 16, 2022 @ 1:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kalagayan ang isang 38-anyos na mister na iniulat na nahulog sa isang poste ng kuryente nang makuryente habang nagkakabit ng ilegal na koneksiyon sa Malabon City.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, umakyat sa poste ng kuryente sa kanto ng P. Aquino Street at Dagat-Dagatan Avenue, dakong alas-9:05, ang biktimang si Mark Ryan Velasco, residente ng Block Damata, Letre Road, Brgy. Tonsuya upang magkabit umano ng ilegal na kuneksiyon ng kuryente.

Dahil walang kasanayan sa naturang trabaho, aksidenteng nakuryente ang biktima na dahilan upang dumaloy ang malakas na boltahe sa kanyang katawan kaya’t nawalan ng panimbang at nahulog sa poste.

Nagkataong naglalakad ng pauwi sa naturang lugar ang kapatid ng biktima na si Arnie Velasco at nakita ang nakahandusay at walang malay na kapatid kaya’t mabilis siyang humingi ng tulong para maisugod sa pagamutan ang biktima.

Nagsagawa naman ng pagsisiyasat sa nangyaring insidente sina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting ng Malabon City Police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) upang alamin kung sino pa ang posibleng may kinalaman sa paglalagay ng ilegal na koneksiyon ng kuryente.

Batay sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A.7832 o ang Anti-Electricity Act, ang sinumang mapapatunayang nagkabit ng ilegal na koneksiyon ng kuryente, nag-tamber ng electric meter o gumamit ng anumang uri ng aparato na nakakasagabal sa maayos at wastong pagrerehistro ng nakonsumong kuryente ay maaaring mapatawan ng parusang aabot sa 12-taong pagkakakulong habang P20,000.00 naman ang ilalaang piyansa para sa pansamantalang paglaya habang dinidinig pa sa korte ang usapin. Boysan Buenaventura