Mister na wanted sa 3 bilang ng pangmomolestiya, nabitag sa Navotas

Mister na wanted sa 3 bilang ng pangmomolestiya, nabitag sa Navotas

July 2, 2022 @ 10:47 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Binitbit sa selda ang isang mister na wanted sa tatlong bilang ng kasong pangmomolestiya matapos malambat sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado bilang si Lucio O Jr, 47 ng 25 E. Tuazon St., Brgy. San Jose, Navotas City.

Ani Ollaging, nakatanggap ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas police ng impormasyon mula sa isang impormante na naispatan ang akusado sa kanilang lugar kaya agad silang bumuo ng team.

Kasama ang mga tauhan ng Sub-Station 3, kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation ang WSS na nagresulta sa pagkakaresto sa akusado dakong alas-2:25 ng hapon sa E. Tiazon Street.

Ang akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Cecilia B. Parallag ng Regional Trial Court (RTC) Branch 9 Family Court ng Navotas City para sa kasong Acts of Lasciviousness in Relation to Sec. 5 (B) of RA 7610 (3 counts). Boysan Buenaventura