Mister nanita ng ingay ng motor, pinatahimik nang tuluyan

Mister nanita ng ingay ng motor, pinatahimik nang tuluyan

March 1, 2023 @ 12:34 PM 1 month ago


CAUAYAN CITY, ISABELA – Patay ang isang mister matapos itong manita sa ingay ng motorsiklo sa labas ng kanilang tahanan ng undayan ng saksak sa Barangay Road na sakop ng Purok 6, Barangay Minante 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Aljean Bernardino, 30-anyos, may asawa, driver, at residente sa lugar habang ang nanaksak ay kinilala sa alyas Sherwin, 52- anyos, may asawa, at residente rin sa nabanggit na barangay.

Dakong 12:00 ng madaling araw kung saan natutulog si Bernardino sa loob ng kanilang bahay ng magising ito dahil sa malakas na ingay ng motorsiklo.

Dahil dito, lumabas ang biktima at sinita si ‘Sherwin’ na siyang nagpapa-ingay ng motorsiklo.

Labis na ikinagalit naman ito ng suspek kaya’t biglang sinaksak nito si Bernardino na nagtamo ng saksak sa kaniyang tagiliran at likuran.

Nagawang makatakbo ni Bernardino at nakahingi ng saklolo sa kaniyang mga kamag-anak kaya’t agad itong naisugod sa pagamutan.

Agad naaresto ng mga naka-duty na Brgy. Tanod at naiturn-over na sa himpilan ng Cauayan City Police Station ang suspek na nakatakdang samapahan ng kaso. Rey Velasco