Mister natabunan ng karne sa loob ng cold storage sa Navotas, patay

Mister natabunan ng karne sa loob ng cold storage sa Navotas, patay

September 14, 2022 @ 12:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Todas ang isang lalaki na storage baklas matapos matabunan ng gumuhong file ng defrost na karne sa loob ng kanyang pinagtatrabahuan na cold storage sa Navotas City, Miyerkules ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Teofilo Tapic, 40, residente ng 131 Sanchangco street, Barangay Catmon, Malabon City.

Batay sa tinanggap na ulat ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Thawing Storage at VVS Cold Storage and Processing Plant na matatagpuan sa 227 C-3 corner R10, Brgy. Northbay Boulevard South Proper.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, abala umano ang biktima at kanyang ka-trabaho na si Rex Fuentes, 19, storage baklas, sa paglilipat ng mga defrost na karne sa isang crates sa loob ng naturang cold storage nang biglang gumuho ang isang file ng semi defrost na karne sa tabi nila.

Natabunan ang biktima habang nagawang makatalon at makatakbo ni Fuentes para mailigtas ang kanyang sarili bago nagsisigaw na humingi ng tulong sa kanilang mga ka-trabaho.

Kaagad nagtulong-tulong ang saksi at kanyang mga ka-trabaho na makuha ang biktima at makalipas ang ilang oras ay nahugot nila ang katawan ni Tapic bago mabilis na isinugod sa naturang pagamutan subalit, patay na ito nang idating. Boysan Buenaventura