Mister pinagbabaril ng magsasaka na may pagnanasa sa misis

Mister pinagbabaril ng magsasaka na may pagnanasa sa misis

June 2, 2021 @ 4:38 PM 2 years ago


ISABELA-Sa kagustuhang mapasakanya ang pinagnanasahang babae, pinagbabaril ng isang magsasaka ang mister nito sa Barangay San Pedro, Mallig, Isabela.

Kinilala ni PCapt. Joel Bumanglag, hepe ng Mallig Police Station ang suspek na si Orlando Gregorio, 39, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 1, Siempre Viva Norte, Mallig, Isabela habang ang biktima ay si Melvin Serbito, 34, manager at residente ng Sagat, Ilocos Sur.

Bago ang pamamaril ay nagtungo sa isang restaurant si Gregorio kasama ang kanyang mga kasamahan upang mag-inuman.

Matapos mag-inuman ay umalis ang suspek subalit bumalik at pinagbabaril si Serbito na agad dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas si Gregorio at nagtungo sa direksyon ng Viva Norte.

Sa pagsagawa ng hot pursuit operation  ng Mallig Police Station ay narekober sa bahay ni Gregorio ang isang unit ng cal. 38 na baril, apat na bala ng cal. 45 na baril, isang bala ng carbine, isang bala ng cal. 22 na baril, 29 bala ng cal. 30 at 20 piraso ng low carry.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na matagal nang may paghanga o pagnanasa sa live-in partner ng biktima na si  Melodina “Megan” Gabi.

Inamin umano ng suspek na handa siyang pumatay, mapasakanya lang ang kanyang matagal nang pinagnanasaang  misis ng biktima. REY VELASCO