Mister todas, misis sugatan sa ‘love triangle’ sa Bulacan

Mister todas, misis sugatan sa ‘love triangle’ sa Bulacan

July 5, 2022 @ 3:20 PM 1 month ago


BULACAN – Patay ang isang mister habang sugatan ang kanyang misis matapos pagsasaksakin ng dating live-in partner nito sa bayan ng Pandi.

Kinilala ang suspek na si Joseph Ariscon residente ng Brgy.Bunlo,Bocaue habang ang namatay ay si Lianito Ripana,45 at sugatan ang may bahay na si Michelle kapwa residente ng Brgy. Siling Bata,Pandi.

Sa report ng Pandi police,nangyari ang insidente bandang 2:45 ng hapon nitong Hulyo 1 sa naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon ni PSSg Wenefredo  Dalagan Jr,habang magkasiping ang mag-asawa sa kanilang kama ay biglang dumating ang suspek na armado ng kutsilyo.

Walang kaabog-abog inundayan ng suspek ang nakahigang biktimang si Lianito na tumama sa kaliwang dibdib at likuran.

Nagtamo din ng saksak sa tiyan ang may bahay nang humarang ito nang muling undayan ng suspek ang kanyang mister.

Agad na tumakas ang suspek nang makitang duguan ang mag-asawa na dinala ng mga kapitbahay sa Rogaciano Memorial Hospital subalit patay na si Lianito.

Nang makarating sa pulisya ang nangyari,agad nagsagawa ng manhunt operation hanggang sa mahuli ang papatakas na suspek sa Brgy.Bunlo.

Sa panayam ng Remate kay Dalagan,nalamang ang suspek na si Joseph ay naging live-in partner ni Michelle.

Aniya,buwan ng Mayo ,2006 nagpakasal sina Lianito at Michelle subalit naghiwalay din matapos ang isang taong mahigit na pagsasama.

Nakilala ni Michelle si Joseph hanggang sa magsama sila sa isang bubong habang si Lianito ay nagkaroon din ng kinakasama.

Sa hindi inaasahan ay pinakulong si Lianito ng live-in partner niya dahil umano sa kasong pambubugbog nito.

Kamakailan ay lumaya si Lianito nang aksidenteng  magkita muli sila ni misis at dito muling nanumbalik ang kanilang magandang pagtitinginan.

Dahil dito,pinuntahan ni misis si mister sa kanyang trabaho at niyaya sa kanyang bahay para ipagluto ng masarap na tanghalian.

Lingid sa kaalaman ni misis na sinusundan siya nang kinakasama niyang si Joseph na noong mga oras na iyon ay malamig na ang kanilang pagtitinginan hanggang sa mangyari ang insidente.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder habang humihimas ng rehas na bakal sa naturang istasyon. Dick Mirasol III