MISTERYO SA ‘JUN MORIONES’ SLAY

MISTERYO SA ‘JUN MORIONES’ SLAY

August 25, 2022 @ 7:18 PM 1 month ago


MAHIGIT isang taon na subali’t hanggang ngayon ay wala pang linaw ang pagkakapaslang kay ‘Jun Moriones’, kilalang gambling lord na ang sentro ng operasyon ay lalawigan ng Cavite, Rizal at Laguna.

Si Moriones ay pinagbabaril at napatay ng tatlong armadong lalaki na lulan ng motor at kotse habang bumibista sa isang derma clinic na pag-aari ng kanyang kaibigan sa San Pablo City noong March 12, 2021.

Ayon sa ilang concerned PNP officials, tulad ng kaso ng 35 nawawalang sabungero, nananatili at mananatili ang ‘Moriones’ murder case na ‘unsolved’ hangga’t hindi nahuhuli ang mga nasa-likod ng pagpatay.

Ang pagkamatay ni Moriones ay may kahalintulad, anila, sa kaso ng missing sabungeros dahil ang mga suspect ay mga iligalista rin, subali’t ‘malinis’ ang naging murder plan kaya patuloy na ‘nganga’ ang awtoridad.

Kilala na ng kapulisan ang ‘mastermind’ sa sabungero killings, nguni’t ang kawalan ng sapat na ebidensya, isama mo pa ang matinding impluwensya ni ‘mastermind’ sa gobyerno kaya bantulot ang PNP na kumilos.

Sa kaso ni Moriones, ayon sa nakausap ng Chokepoint, ay kilala rin ang mga salarin subali’t ang pulisya ay ‘di maka-aksyon dahil sa ‘kulang na ebidensya’ laban sa mga suspect na may backers din sa pamahalaan.

Hindi daw humihinto ang PNP sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ni Moriones na isa sa financier ng Perya ng Bayan con-jueteng na nag-ooperate sa Region 4A, partikular sa Cavite at Rizal.

Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong maaring kinalaman ng kanyang mga kasosyo sa iligal na pasugal na sina John Yap, Zalding Kombat, Kaloy Colding at Menong, na kilala rin sa alyas na Chito.

Si Chito na nagpapakilalang bodyguard ni Cavite Gov. Junvic Remulla ang contact umano ng grupo nina Moriones at Yap para makapag-operate ng sugal sa Cavite gamit ang bogus na Global Tech franchise, na naunang itinanggi ng Philippine Charity Sweepstakes Office na may permit ng PNB.

Ngayong si BGen. Jose Melecio Nartatez, Jr na ang R4A director, nasa-kanya ang bola para alamin ang misteryong bumabalot sa Moriones slay at nakasalalay rin sa kanya kung patuloy papayagan ang namamayagpag na PNB-con-jueteng ni Yap at grupo nito sa Reg. 4-A.