MISTERYO SA PANTALAN NG UNISAN, QUEZON

MISTERYO SA PANTALAN NG UNISAN, QUEZON

March 14, 2023 @ 1:25 PM 3 weeks ago


ANG Quezon ay isang lugar na maituturing na “God’s gift” dahil sa angking ganda ng kapaligiran dulot ng nakapaligid na malawak na karagatang pinagmumulan nang ‘di matatawarang laman dagat na ikinabubuhay ng Quezonians.

Pero sa pagsulong ng panahon, hindi nakitaan ng pag-unlad ang lalawigan sa kabila ng angkin nitong minang-dagat kung ikukumpara sa kapwa coastal provinces tulad halimbawa ng Cebu, Ilocos at ilan pang progresibong probinsya na matatagpuan sa mga baybayin ng bansa.

Kung noon tinatawag itong ‘fish capital’, ngayon ang Quezon ay kilala na sa bansag na ‘drug capital’ o ‘drug haven’ dahil maya’t maya ay may nahuhuli o nakukumpiskang droga sa loob at sakot ng karagatan ng lalawigan ang mga awtoridad na hindi lang milyones ang halaga subalit bilyones.

Tila baga, napabayaan ang Quezon na may potensyal na umunlad nang todo dahil sa angking yamang-dagat na puwede ring maging sentro ng kalakalan – importasyon at exportasyon – dahil napapaligiran ito ng tubig.

Ang liderato ng Quezon ay tinanganan nang matagal na panahon ng Suarez political clan subali’t sa pag-inog ng dekada ay unti-unting kumupas ang kanilang kasikatan, marahil, hindi naging matagumpay ang kanilang paglilingkod kaya’t hindi makaahon ang lalawigan sa kahirapan.

Tanging si 2nd district Rep. David Suarez lamang ang may puwesto sa pamahalaan dahil ang itinuturing na haligi ng pamilya, si dating congressman Danilo Suarez, ay natalo sa pagka-gobernador at ganoon din ang kanyang maybahay na tumakbo sa ibang poaisyon noong nakaraang 2022 elections.

Ang ‘di nagtagumpay na pagtatangka nila sa nakaraang halalan ay patunay at senyales na ayaw na ng Quezonians ang mga suarez na sinuportahan nila ng ilang dekadang pamumuno sa naturang probinsya.

Isa sa palpak umanong desisyon na nakaukit hanggang ngayon sa isipan ng mga taga- Quezon ay ang pagtatayo ng pantalan sa bayan ng Unisan na ang layunin ay makatulong sa naghihikahos na mga residente ngunit nasayang dahil imbes na makatulong, perwisyo ang dulot sa mamamayan.

Palaisipan din sa mga taga-Unisan ang pagtatayo ng nasabing pantalan sa mismong compound o pag-aaring lupain ng mga Suarez kung saan isa sa kanilang mansion ay doon nakatirik at matatagpuan na sa kanilang pagsasalarawan ay napapaligiran ng matataas na pader at nakakapagtaka ito ay bantay-sarado.

Ang naturang pantalan ay plinanong magbibigay ng trabaho sa mga residente at kaunlaran sa lalawigan, pero ang ‘di magandang ulat, isa raw ito sa tinitiktikan ng awtoridad dahil sa nangyayaring kababalaghan sa nasabing daungan.