‘Mitigating measures’ isasagawa kung magsasara muna ang EDSA-North Avenue station – DOTr  

‘Mitigating measures’ isasagawa kung magsasara muna ang EDSA-North Avenue station – DOTr  

December 9, 2021 @ 12:48 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Magpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng ‘mitigating measures’ kung sakaling aaprubahan sa 30 araw na pagsasara ng EDSA-North Avenue station.

Ito ay upang bigyang-daan ang pagtapos ng Unified Grand Central Station na mag-uugnay sa MRT-3 at LRT 1.

Sa panayam ng DzBB, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na nagsagawa ng inspeksyon si Transportation Secretary Arthur Tugade sa common station project.

“Ang report ng ating contractor ay temporary suspension nang 30 days. Syempre maglalagay tayo ng mga pamamaraan, magi-implement tayo ng mitigating measures para hindi naman masyadong mahirapan ang ating affected na mga commuters,” dagdag ni Batan.

Kung sakali aniyang maipasasara, magiging huling istasyon ang Quezon Avenue habang maaari namang sakyan ng commuters ang operational EDSA bus way na dumaraan sa MRT-3 stations.

 “Itong mga tren natin during operation ay pumapasok sa loob ng common station construction area. Doon siya nag-tu-turn back. Doon po siya nagu-u-turn sa loob ng construction site ng common station at dahil po diyan ay nalilimitahan ‘yung construction time.”

“‘Yung common station po natin, ‘yung istraktura niya ay halos puro bakal at alam naman natin na ang nagpapatakbo ng MRT-3 natin ay ‘yung tinatawag nating overhead catenary line, so energized po ‘yan. Merong safety risks kung magsasabay ‘yung takbo ng tren at pati ‘yung construction ng common station,” dagdag pa ni Batan. RNT/FGDC