Miting ng PH, EU solons sa ICC probe mainitan – Dela Rosa

Miting ng PH, EU solons sa ICC probe mainitan – Dela Rosa

February 22, 2023 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naging malalim at mainitan ang naging pagpupulong ng mga senador ng Pilipinas at miyembro ng European Parliament nitong Miyerkules, Pebrero 22 sa usapin ng resolusyon na nagtatanggol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).

Ito ay ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dumalo sa naturang pagpupulong na idinaos sa Senado ng bansa.

“The discussion was so intense that I can’t leave. I have to defend our sovereignty,” ani Dela Rosa, dahilan para mahuli siya sa isa pang pagdinig na dapat niyang puntahan.

“These Europeans they are trying to impose their standards upon us. There was one EU parliament member from Spain, nagalit sya dahil bakit daw si Senator Estrada ay nag sponsor, nag author ng resolution protecting (former) President Duterte from the ICC investigation,” anang senador.

Ang tinutukoy ni Dela Rosa ay si Senador Jinggoy Estrada na kamakailan ay naghain ng resolusyon na kumukontra sa imbestigasyon ng ICC sa di-umano ay mga krimen laban sa karapatang-pantao na nangyari sa panahon ni Duterte.

Matatandaan na pinangunahan nina Duterte at Dela Rosa ang naturang giyera kontra droga, bilang siya ay naging pinuno rin ng Philippine National Police.

“Nag react sya, medyo tumaas ang boses nya. Sinagot ko naman sya: You know my good friend, honorable Spaniard, the Philippines was conquered, ruled and enslaved by the Spaniards for more than three centuries, for over 300 years and now that we have gained our freedom, we have our own sovereignty as a nation, [and] we hope that other countries would respect our sovereignty as a nation.”

Ani Dela Rosa, nais niya sanang sabihin sa mga mambabatas ng EU na sa kabila ng mahigit tatlong siglo na sakop ng mga Kastila ang Pilipinas, bigo pa rin ng mga ito na sakupin ang Muslim Mindanao.

“Pero nainis na lang ako, umalis na ako…” pagbabahagi pa ng senador.

Salungat naman sa sinabi ni Dela Rosa ang pagtingin ng pinuno ng EU delegation na si Hannah NeuMann, sa pagsasabi nitong ang naging pagpupulong ay “more constructive than tense.”

“I would say it was not tense, but it was open and critical discussion that in the end [it] was more constructive than tense,” ani Neumann, vice-chairperson ng EU subcommittee on human rights.

Katulad ni Neumann, para kay Senador Francis Tolentino ay maituturing niya ring mabunga ang naging meeting.

“Nagkaroon man ng dialogue na hindi naman mainitan, naipaliwanag natin yung ating position and we’d like to thank the EU’s delegation here, as well as some of our colleagues, for that constructive dialogue which is a step in the right direction,” paliwanag ni Tolentino, na siyang namuno sa Philippine delegation bilang chairman ng Senate committee on justice and human rights. RNT/JGC